Nanindigan si Retired General Romeo Poquiz na wala raw ibang dapat makasuhan kundi ang mga pangalang nakaladkad sa kontrobersyal na pahayag ng 18 mga dating sundalong nag-deliver umano ng male-maletang pera.
Sa isang Gawad-Parangal para sa naturang 18 Marines na inorgisa ng United People’s Initiative (UPI) nitong Biyernes, Marso 6, 2026, muli niyang ipinagtanggol ang nasabing mga dating sundalo.
“Kung sino pa yung nagsasabi ng totoo, katotohanan [eh] sila pa yung inaakusahan. Sila pa yung inaalipusta, sila pa yung tine-threaten,” ani Poquiz.
Saad pa niya, “Yung mga nag-utos sa kanila, yung mga nagpadala ng maleta, at saka yung mga tumanggap ng maleta, yun dapat ang kinakasuhan, yun dapat ang inaalipusta natin, yun dapat ang kinukulong. Hindi itong mga taong inutusan lamang para magdala ng maleta.”
Samantala, bigo namang nakadalo ang 18 Marines sa naturang event bunsod umano ng mga banta laban sa kanilang seguridad matapos ang kanilang mga isiniwalat.
Sa eksklusibong panyam ng Balita kay Reina Mercedes Vice Mayor Atty. Harold Respicio na nakiisa rin sa naturang event sa pagkilala sa 18 marines, nilinaw niyang mahirap daw makapag-set up ng kaso laban sa mga bantang nakapaligid sa 18 marines.
“If yung threat is directed sa kanila, na halimbawa ‘Oy papatayin kita,’ pero dapat identified mo kung sino yung nag-threat sa’yo para makasuhan mo. Pero kapag general threat lang ‘yan, mahirap mag-set up ng kaso kasi hindi mo naman naa-identify kung sino yung nagte-threaten eh,” ani Respicio.
Dagdag pa niya, “Pero in any case dapat ma-establish muna na valid yung threat.”
KAUGNAY NA BALITA: 'Mahirap mag-establish ng kaso!' Atty. Respicio, may nilinaw hinggil sa mga banta laban sa 18 Marines