March 01, 2026

Home BALITA National

VP Sara, nag-abiso sa mga Pinoy sa Middle East na mag-ingat sa sigalot ng US-Israel, Iran

VP Sara, nag-abiso sa mga Pinoy sa Middle East na mag-ingat sa sigalot ng US-Israel, Iran
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/FB, MB


Nagpahayag ng ilang paalala si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan hinggil sa mga dapat nilang gawin kung papaano magiging ligtas sa gitna ng tensyon sa nasabing rehiyon.

Kasunod ito ng lumalalang girian sa pagitang ng puwersa ng Estados Unidos at Israel laban sa bansang Iran.

“Dahil sa kamakailang paglala ng tensyon at labanan sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, hinihikayat ang lahat ng Filipino na kasalukuyang naninirahan o naglalakbay sa rehiyong ito na manigurado sa pag-iingat at pagsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang inyong kaligtasan,” saad ni VP Sara sa kaniyang pahayag nitong Linggo, Marso 1.

“Iwasan ang mga lugar na may nagaganap na operasyong militar o malaking pagtitipon ng publiko. Mahigpit na subaybayan ang mga opisyal na abiso at paalala mula sa mga lokal na awtoridad ng bansang inyong kinaroroonan at ng kanilang Ministry of Foreign Affairs,” aniya.

“Maging mapagmatyag sa mga balita mula sa mapagkakatiwalaang organisasyon ng media,” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan din ng Bise Presidente ang mga Pinoy na siguraduhin ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa pamilya at ahensya.

“Panatilihin ang regular na komunikasyon sa inyong pamilya, mga mahal sa buhay, at mga pinagkakatiwalaang kaibigan tungkol sa inyong kinaroroonan at kalagayan. Paniguraduhin na hawak ninyo ang emergency numbers ng ating Department of Foreign Affairs at lokal na awtoridad ng inyong bansa,” anang bise presidente.

“Siguraduhing valid at hawak ang inyong mga dokumento at pasaporte. Kung lalo pang lumala ang sitwasyon sa seguridad, maging handa na baguhin ang inyong mga plano anumang oras kung kinakailangan. Gayundin kung kinakailangan ay lumapit sa ating mga embassy upang mabigyan ng tamang payo sa pinakaligtas na paraan sa pag-uwi ng Pilipinas,” dagdag pa niya.

“Sa panahong ito ng walang katiyakan, ang inyong kaligtasan ang pinakamahalaga. Nawa’y patnubayan at ingatan kayong lahat ng Maykapal, at ipagdasal natin ang kapayapaan, pagkakaisa, at kaligtasan ng lahat ng tao sa Middle East,” pagtatapos niya.

Ayon sa Associated Press (AP), nag-ugat umano ang pag-atakeng isinagawa ng US at Israel sa bansang Iran dahil nais umano nitong pigilan ang huli sa pagbuo ng “nuclear weapon.”

Layon din ng dalawang bansa na pahinain ang kakayahang militar ng kalaban na nasyon.

KAUGNAY NA BALITA: UN Sec-Gen, kinondena tensyong nagaganap sa pagitan ng US-Israel, Iran-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA