Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na may isang Pilipinong casualty sa naganap na pag-atake sa pagitan ng United States of America at Israel kontra sa Iran, noong Sabado ng gabi ng Pebrero 28.
Matatandaang nitong Linggo ng umaga, Marso 1, sinabi ni PBBM sa isang video message na wala pang naitatalang namatay na Pilipino sa tensyon sa Middle East.
Kaugnay na Balita: Wala pang Pinoy na nasasawi, nasasaktan sa sigalot sa Middle East—PBBM
Subalit nitong Linggo ng gabi, ibinalita mismo ng Pangulo ang kauna-unahang tala ng pagkamatay ng isang Pilipina sa Israel sa gitna ng nagpapatuloy na palitan ng pag-atake sa Middle East.
Sa isang video message na mapapanood sa kaniyang social media platform, sinabi ng Pangulo na nakatanggap ang pamahalaan ng ulat hinggil sa pagkasawi ni Mary Anne Velazquez Rivera, isang caregiver na nagtatrabaho sa Israel, na tubong Pangasinan.
"Nakikiisa tayo sa taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Mary Ann Velasquez De Vera, isang OFW na caregiver sa Israel na nasawi habang sinusubukang iligtas ang kanyang alaga sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon," mababasa sa post ng Pangulo.
"Tinitiyak ng pamahalaan ang buong suporta sa kanyang pamilya at patuloy ang ating pagmo-monitor sa kalagayan ng lahat ng ating mga kababayan sa Middle East. Mananatili tayong nakaalalay at handang tumugon sa kanilang pangangailangan," aniya pa.
Sa mismong ulat naman ng Pangulo na mapapanood sa video, sinabi niya, “Ikinalulungkot ko na meron po tayong natanggap na report na meron na pong casualty na Pilipino dito po sa giyera na nangyayari po sa Middle East."
Ayon kay PBBM, tinutulungan ni Rivera ang kaniyang matandang alaga upang madala sa bomb shelter nang mangyari ang pag-atake.
“Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kaniyang alaga para dalhin sa bomb shelter, ngunit hindi na po nakaabot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating," aniya.
“Siya ay namatay dahil tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba."
Kinilala si Rivera ng kaniyang asawa, na isa ring overseas Filipino worker (OFW) sa Israel.
Tiniyak naman ng Pangulo na ibibigay ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang tulong sa pamilya ng nasawi.
“Lahat po ng tulong na kakailanganin ng kanilang pamilya ay ihahatid ng ating pamahalaan," giit niya.
Dagdag pa ni Marcos, patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga Pilipino sa rehiyon habang nagpapatuloy ang sigalot.
“Patuloy po ang ating pag-monitor sa kalagayan ng ating kababayan na nasa gitna nitong giyera dahil patuloy pa rin sa Middle East," saad niya.
Tiniyak din ng Pangulo na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Asahan pa raw ang patuloy niyang pagbibigay ng update tungkol dito, lalo na kung madaragdagan pa ang bilang ng mga casualty sa nabanggit na giyera.