Lumabas sa isang pag-aaral ng ASEAN Foundation na tatlo sa bawat apat na estudyanteng Pilipino ang gumagamit na ng artificial intelligence (AI) sa paaralan, habang hati ang pananaw ng mga stakeholder kung nakatutulong ba ito sa pagkatuto o nakasasagabal.
Ayon sa nonprofit organization na itinatag ng Association of Southeast Asian Nations, 83% ng mga mag-aaral sa Pilipinas ang nagsabing gumagamit sila ng AI tools para sa paraphrasing at academic writing.
Natuklasan din sa pag-aaral na tatlo sa apat na learner ang gumagamit ng generative AI upang i-paraphrase ang mga online source.
Noong 2024, sinabi ng Department of Education (DepEd) na pinag-aaralan nito ang posibleng guidelines para sa responsableng paggamit ng AI sa mga paaralan. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang AI sa pagtuturo at pagkatuto ngunit nagbabala siya laban sa maling paggamit nito gaya ng pandaraya.
Hinimok naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga estudyante na gamitin ang AI bilang kasangkapan lamang sa pagkatuto at hindi pamalit sa sariling pagsisikap at kritikal na pag-iisip.
“I believe that AI will help us tackle more complex challenges. But there are still some things that technology cannot do for us,”ani PBBM sa knaiyang pahayag kamakailan.