Ipinapanawagan ng Pinoy trafficking victim na si Mary Jane Veloso ang kaniyang kalayaan matapos mapiit sa humigit-kumulang 16 na taon.
Sa isang “open letter” na isinulat ni Veloso noong Enero 28, 2026, mababasa ang pagpapasalamat niya sa mga patuloy na sumusuporta sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
“Magandang umaga po sa inyong lahat, ako po si Mary Jane Fiesta Veloso, lubos na nagpapasalamat sa lahat ng tulong at suporta ninyo sa akin at sa aking pamilya,” ani Veloso.
Aniya, hindi niya raw lubos na kilala ang lahat ngunit ramdam niya raw ang malasakit at pagmamahal ng mga Pilipino sa kaniya bilang isang “kapamilya.”
“Alam ko po na sa gabay ng Diyos, isa kayo sa naging dahilan kaya natigil ang pagpapatupad ng death row sa akin…,” aniya.
Dagdag pa niya, “Dahil din po sa inyong lahat na sumusuporta sa akin, napauwi po ako ng ating mahal na Pangulo[ng] Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr…”
Pag-amin niya, nabuhayan muli siya ng loob nang siya ay makauwi sa Pilipinas noong Disyembre 18, 2024.
Pero umaasa pa rin daw na siya na makakapiling niya na ang kaniyang pamilya.
Sa nasabi pang liham, humihingi ng tulong si Veloso na siya ay mapagbigyang makapiling na ang kaniyang pamilya na aniya, nawalay sa kaniya sa humigit-kumulang 16 na taon.
“Nawa’y ipagkaloob na po sa akin ang pagkakataon na maalagaan ko ang aking mga magulang habang buhay pa sila…Lalong-lalo na ang aking mga anak na hindi ko man lang nasubaybayan ang kanilang paglaki…,” saad ni Veloso.
“Nawa’y Diyos na ang bahala suklian ang inyong kabutihan sa akin at sa aking pamilya,” pagtatapos niya.
Photo courtesy: via ABS-CBN News
Si Veloso ay inaresto ng customs officials sa Audisucipto International Airport sa Yogyakarta, Indonesia noong Abril 25, 2010.
Ito ay matapos maging “unavailable” ang trabahong inalok sa kaniya ng recruiter na si Ma. Kristina “Tintin” Sergio sa bansang Malaysia—at pinalipad siya nito patungong Indonesia kasama ang isang bag na naglalaman ng 2.6 kilo ng heroin.
Napigilan ang “death row” sentence kay Veloso at napagbigyang makauwi sa gitna ng “agreement” ng Indonesia at Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nakapiit si Veloso sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Vincent Gutierrez/BALITA