Ipinahayag ni Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga na hindi siya dadalo sa mga ipinatatawag na pagdinig ng House Committee on Ethics, at handa umano siyang ma-expel mula sa Kamara kung nanaisin ng mga ito.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Enero 28, 2026, hayagang sinabi ni Barzaga ang natura niyang desisyon.
“I will be ignoring the summons of the Ethics Committee, expel me if they want, but the Philippine Congress has done nothing but destroy the lives of the Filipino People.”
Ang pahayag ay inilabas niya sa gitna ng muling paghahanda ng House Ethics Committee para sa panibagong pagpupulong kaugnay sa mga reklamong inihain laban sa mambabatas at sa nauna nitong pagkakasuspinde.
KAUGNAY NA BALITA: Suspended Rep. Barzaga, muling ipapatawag sa House Ethics Committee
Ayon kay House Ethics Committee Chair Rep. JC Abalos, magpapadala ang komite ng mga liham hindi lamang kay Barzaga kundi pati sa mga naghain ng reklamo laban sa kanya, gayundin sa mga miyembro ng Committee on Ethics, upang muling magsagawa ng pulong sa susunod na linggo.
“Today, nakipag-meeting po ako sa ating Committee Secretariat at kami po ay magpapadala ng sulat, hindi lamang sa respondent, pati na rin po sa ating complainants at sa lahat ng members ng Committee on Ethics,” pahayag ni Abalos nitong Miyerkules, Enero 28.
Ipinaliwanag ni Abalos na layon ng hakbang na ito na makumpleto ang depensa at mga ebidensya ng magkabilang panig upang magkaroon ng mas maayos at malinaw na talakayan sa nalalapit na committee meeting.
“Para next week, sa ating Committee meeting, kumpleto po ang defense, kumpleto rin po ang mga evidences, at of course, at least magkakaroon tayo ng maayos na talakayan para ma-guide din po ang aming Committee members at ng Congress,” dagdag pa niya.
Matatandaang noong Disyembre 1, 2025, sinuspinde ng House of Representatives si Barzaga ng 60 araw nang walang suweldo, batay sa rekomendasyon ng House Ethics Committee, kaugnay ng mga reklamo sa umano’y paglabag nito sa mga alituntunin at pamantayang etikal ng Kamara.
Sa kabila nito, nananatiling matigas ang paninindigan ni Barzaga laban sa proseso ng ethics committee habang patuloy namang inihahanda ng Kamara ang susunod na hakbang sa pagdinig sa kaniyang mga kaso.