January 26, 2026

Home BALITA Metro

Malacañang, nagsalita sa ‘courtesy resignation’ ng mga BI personnel na sangkot sa pag-vlog ng Russian vlogger sa kulungan

Malacañang, nagsalita  sa ‘courtesy resignation’ ng mga BI personnel na sangkot sa pag-vlog ng Russian vlogger sa kulungan
Photo courtesy: Presidential Communications Office (FB screenshot), VitalyTheGoat (X)

Inanunsyo ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Lunes, Enero 26, na natanggap na ng Malacañang ang courtesy resignation ng tatlong Bureau of Immigration (BI) personnel dahil sa umano'y pagpayag na makapagpuslit ng cellphone at umano’y masuhulan ng lagay ipinadeport na Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy mula sa siyam na buwang pagkakadetain niya sa Pilipinas kamakailan. 

Ibinahagi ni Castro na sa pakikipag-usap ng Palasyo sa BI, binanggit ng ahensya na mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagpuslit ng cellphones para kumuha ng kahit anong videos sa loob ng piitan. 

“Nakausap po natin mismo ang pamunuan ng Bureau of Immigration at sinabi nila na ang pagbibigay at pag-aallow ng paggamit ng cellphone ay para lamang makausap ang kanilang pamilya. Hindi po allowed na sila ay gumawa ng anumang video,” ani Castro. 

Kaya ang ginawang pagkuha ng video ni Vitaly sa loob ng piitan ay labag raw sa mga panuntunan ng pasilidad. 

Metro

Inuman, nauwi sa saksakan!

“Ang paggawa po ng video ng nasabing Russian vlogger ay hindi po naaayon sa rules at ito po ay hindi awtorisado ng nasabing facility,” paliwanag ni Castro. 

Kaya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inanunsyo ni Castro ang pagsusumite ng courtesy resignation ng isang warden at dalawang deputies na umano’y kaugnay sa pagpuslit ng phone ni Vitaly sa loob ng piitan. 

“Dahil inutos po ng Pangulo ang pagkakaroon ng malalim na pag-iimbestiga rito, tinanggap na po ang courtesy resignation ng isang warden at dalawang deputies, at sa ngayon po ay pinag-iigting pa rin po ang pag-iimbestiga patungkol po rito ng Bureau of Immigration,” saad ni Castro. 

Aniya pa, alinsunod rin ito sa kagustuhan ni PBBM ng malinis na pamamahala laban sa korapsyon. 

“Alam naman po ng bawat ahensya, alam rin po ng bawat kawani ng gobyerno na nais ng Pangulo na malinis ang gobyernong ito mula sa korapsyon. So, dapat lamang na sila’y naaayon sa kagustuhan ng Pangulo. Dahil kung hindi po sila aayon sa kagustuhan ng Pangulo na maging malinis ang gobyerno mula sa korapsyon, maaari silang matanggal sa puwesto,” saad ni Castro. 

“Kung mahal nila ang kanilang trabaho at mahal nila ang bayan, sundin lamang po nila ang utos ng Pangulo,” dagdag pa niya. 

Dinirekta naman ni Castro sa vlogger kay Vitaly na kung siya’y may mga rebelasyon pa hinggil sa naging araw niya sa piitan sa Pilipinas, mangyari lamang na ipaabot niya ito para magsilbing gabay sa mga isinasagawang imbestigasyon sa pasilidad at ahensya. 

“Kung mayroon pa po siyang masasabi, kung anuman ang kaniyang mga rebelasyon, magsisilbi rin po itong guide para mas maging maganda ang pag-iimbestiga. Dahil kung may malawakan pang korapsyon sa nasabing ahensya, dapat lamang pong tanggalin kung sino man ang lumalabag sa batas,” saad ni Castro. 

Matatandaan na napabalik na sa Irkutsk, Russia si Vitaly noong Enero 17 matapos ang halos siyam na buwan niyang pagkaka-detain sa Pilipinas dahil sa reklamong harassment. 

MAKI-BALITA: Bring him home! Pasaway na Russian vlogger, pinalayas na sa Pilipinas

Sa kaniyang inquest proceedings, inamin ni Vitaly ang mga ginawa niyang prank at pang-iinsulto sa mga Pilipinong nakakasalubong niya habang nagla-livestream sa Bonifacio Global City noong Abril 2025. 

MAKI-BALITA: Russian vlogger na inireklamo ng harassment arestado na, posibleng ipa-deport pa!

Dahil dito, agad siyang ipiniit sa BI Warden’s Facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.

Matatandaan din na ibinahagi ni Vitaly sa kaniyang social media noong Enero 21, ang mga larawan niya noong napiit siya sa Pilipinas hanggang sa makabalik siya sa Russia matapos siyang mapa-deport.

“After 290 days in the [Philippines] jail with rats, cockroaches, and +35 Celsius weather, I am finally free. They really tried to break me but it built me,” saad ni Vitaly sa nasabing post. 

MAKI-BALITA: Vitaly Zdorovetskiy, balik socmed matapos makalaya; pinutakti ng mga ipis at daga sa kulungan

Sa isa pang livestream, ibinahagi ni Vitaly na nakuhanan niya ng video ang karanasan sa loob ng piitan sa pamamagitan ng umano’y panunuhol sa jail guards para maipasok kaniyang cellphone.

Sean Antonio/BALITA