January 26, 2026

Home BALITA

Bulkang Mayon, 18 araw nang aktibo sa pag-aalboroto; lava flow, umabot na ng hanggang 3km

Bulkang Mayon, 18 araw nang aktibo sa pag-aalboroto; lava flow, umabot na ng hanggang 3km

Nagpatuloy ang effusive eruption ng Bulkang Mayon sa ika-18 magkakasunod na araw nitong Enero 25, 2026, kung saan patuloy ang pag-agos ng lava na umabot sa tinatayang 1.3 hanggang 3.2 kilometro mula sa summit crater.

Batay sa pinakahuling monitoring data ng Mayon Volcano Observatory, nakapagtala ng nagbabagang lava flows, pyroclastic density currents o “uson,” at sunod-sunod na pagguho ng bato sa mga pangunahing daluyan ng lava tulad ng Mi-isi, Bonga, at Basud Gullies.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), hanggang alas-12 ng madaling araw ng Linggo ay naitala ang isang volcanic earthquake, isang episode ng tuluy-tuloy na volcanic tremor, 253 na rockfall events, at 44 na pyroclastic density currents o “uson,” na nagpapakita ng patuloy na aktibidad ng bulkan.

Iniulat din ng PHIVOLCS na malinaw na namataan ang crater glow o banaag sa tuktok ng bulkan, indikasyon ng presensya ng mainit na magma malapit sa bunganga. 

Trillanes, nagpasalamat kay Ogie Diaz matapos supalpalin si Belgica

Umabot naman sa 2,327 tonelada kada araw ang ibinubugang sulfur dioxide, habang isang 600 metrong taas ng volcanic plume ang naobserbahan na tinangay ng hangin patungong timog-kanluran at hilagang-silangan, na nagpapahiwatig ng katamtamang pagbuga ng singaw.

Dagdag pa rito, ipinakita ng ground deformation data ang patuloy na inflation o paglawak ng bulkan, na senyales ng patuloy na pag-angat ng magma sa ilalim ng Mayon at posibilidad ng pagpapatuloy ng aktibidad nito sa mga susunod na araw.

Nanatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon. Muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS at ng mga lokal na pamahalaan ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng lava flows, pyroclastic density currents, rockfalls, at iba pang panganib na dulot ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkan.