Pinaiigting ng mga awtoridad ang paghahanap sa isang taxi driver na inireklamo ng pambabastos ng pasahero niyang babaeng estudyante sa Davao City matapos umanong magbitaw ng mga hindi angkop at malaswang pahayag habang nasa biyahe.
Ayon sa mga ulat, sinabi na mismong ang estudyante ang nag-record ng video ng mga sinasabing pananalita ng driver, na kalauna’y kumalat sa social media.
Batay sa impormasyon, naganap ang insidente noong Enero 20, 2026 habang pauwi ang mag-aaral mula sa paaralan. Nagsimula umano sa karaniwang usapan ang pakikipag-usap ng driver ngunit nauwi ito sa mga komento at tanong na hindi na kaaya-aya na mahalong kalaswaan.
Iniulat na nagbigay umano ang driver ng mga pahayag tungkol sa katawan ng estudyante, nag-usisa ng mga personal na detalye, at humantong pa sa usaping seksuwal na may kasamang alok umano na pakikipagtalik.
Bagama’t nakaranas ng takot, ligtas namang nakauwi ang estudyante at agad humingi ng tulong sa isang security guard upang matukoy ang plaka ng taxi at ang pagkakakilanlan ng driver.
Kasunod nito, ini-report ang insidente sa Talomo Police Station para sa kaukulang imbestigasyon.
Ayon sa mga awtoridad, nasa pangangalaga na ng City Transport and Traffic Management Office ang taxi na ginamit sa insidente, subalit nananatiling at-large ang driver.
Posible siyang managot sa paglabag sa Safe Spaces Act kaugnay ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act o Republic Act 7610.
Nagpalabas na rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board–Davao Region ng show cause order laban sa driver at inaatasang humarap sa pagdinig sa Lunes, Enero 26, 2026.