Natagpuan sa labas ng kaniyang nitso ang bangkay ng isang 36-anyos na babae na inilibing noong Abril 2025 sa Mabini, Bohol.
Nadiskubre ang katawan sa Lungsodaan Public Cemetery sa labas ng nitso ng naturang bangkay.
Ayon kay Police Senior Master Sergeant Emmanuel Habas, imbestigador ng Mabini Police Station, isang mag-asawang sina alyas “Carlo” at “Maria Grace” ang unang nakapansin na wasak ang isang nitso habang sila ay bumibisita sa puntod ng isang kaanak sa naturang sementeryo.
Sinabi ng pulisya na agad na ini-report ng mag-asawa ang kanilang napansin sa barangay.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na siyam na buwan nang nakalibing ang babae ngunit nanatiling buo ang kaniyang katawan.
Bukod sa nasabing nitso, may nakitaan din ng palatandaan ng tangkang pagsira sa katabing puntod.
Gayunman, nilinaw ng pulisya na taliwas sa mga naunang ulat, walang ginawang kalokohan o pambabastos sa bangkay—batay na rin sa resulta ng pagsusuri ng municipal health officer na tumingin sa labi.
Agad ding muling inilibing ang bangkay matapos ang pagsusuri.
Isa sa mga tinitingnang motibo ng pulisya sa paninira ng mga nitso ay treasure hunting, dahil sa mga bakas ng tangkang pagbubukas sa ilang mga nitso.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente.