Pinabulaanan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na nagsumite siya ng kahit anong optional retirement mula sa Philippine National Police (PNP) service, taliwas umano sa mga kumalat na ulat noong Miyerkules, Enero 21, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: MMDA Gen. Mngr. Torre III, nagretiro na sa PNP service!
Ayon sa naging pahayag sa publiko ni Torre, matapos niyang pumunta sa Kalabingkoho River sa Brgy. Malanday, Valenzuela City nitong Huwebes, Enero 22, itinanggi niyang may pinirmahan siyang aplikasyon para sa naturang optional retirement at sinabi niyang pag-uusapan daw muna nila iyon ng tinawag niyang mga “boss.”
“Wala kasi akong pinipirmahang application,” pagsisimula niya, “So let us limit at that muna kasi mag-uusap muna kami ng ating mga boss.”
Ani Torre, napag-uusapan naman daw ang lahat ng bagay at tingin niya raw na lumabas lang aniya nang mabilis sa media ang naturang balita sa kaniyang optional retirement noong Miyerkules.
“I-discuss muna naman kasi lahat naman ay napag-uusapan. Baka hindi lang na-discuss nang todo at lumabas na sa media ‘yan,” aniya.
Paliwanag ni Torre, naghihintay lang daw siya ng utos mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dahil mula pa raw noong Police Colonel siya hanggang sa pagtaas niya sa ranggo, mula aniya sa direktiba ng Pangulo.
“You know, my positions since Pol. Colonel are all Presidential directives. Presidential appointee ako, e, so I’m just [waiting] for the order of the President. May guidance naman ang Presidente diyan,” paglilinaw niya.
Pagpapatuloy ni Torre, hindi naman daw siya ang unang beses na opisyal ng PNP ang nagtrabaho sa ibang ahensya ng gobyerno.
“Hindi naman first time ‘yan na ang isang pulis ay nagtrabaho sa ibang agency. Marami. Until now, may mga active diyan na police officers na kakabalik lang sa PNP,” saad niya.
“High ranking police officers na ten years nag-stay sa BI—sa Bureau of Immigration. And hindi ‘yan ang first, hindi rin ‘yan ang last sigurado,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang mabilis na kumalat noong Miyerkules, Enero 21, ang mga balitang inaprubahan na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang optional retirement ni Torre mula sa PNP service na nakapetsa noong Enero 19, 2026.
MAKI-BALITA: MMDA Gen. Mngr. Torre III, nagretiro na sa PNP service!
Ayon sa isinapublikong dokumento ng NAPOLCOM, makikitang aprubado na ang nasabing optional retirement ni Torre sa PNP service base sa utos ni acting PNP Chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.
Dahil dito, inaasahan na umano ang pagtaas ng ranggo ni Nartatez bilang kasunod na magiging opisyal na namumuno sa PNP kapag na-promote na ito para sa ranggong four-star general.
MAKI-BALITA: 'Past is past!' SILG Remulla, Torre, naka-moved on na raw sa isyu sa isa't-isa
MAKI-BALITA: Torre, nakaladkad sa isyu ng flood control dahil kay Bernardo—Sen. Lacson
Mc Vincent Mirabuna/Balita