January 26, 2026

Home BALITA National

Palasyo, umaasang mananatili investors, magtitiwala pa rin publiko kay PBBM

Palasyo, umaasang mananatili investors, magtitiwala pa rin publiko kay PBBM
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Umaasa ang Malacañang na patuloy na mananatili ang mga investors sa bansa, gayundin ang tiwala ng mga Pilipino kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kaugnay ito sa impeachment complaints na kinahaharap ngayon ni PBBM, na siyang inihain ng ilang mga personalidad laban sa Pangulo.

MAKI-BALITA: Solon, naghain ng impeachment complaint vs PBBM sa Kamara!-Balita

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Enero 22, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na handang harapin ng Pangulo ang mga nasabing complaints, dahil naniniwala ito na wala siyang ginawang “impeachable offense.”

“Muli, ang Pangulo, sabi po niya sa atin ay handa po siyang harapin ‘to dahil alam po niya na wala po siyang nalabag na anumang batas at hindi po siya nag-commit ng anumang impeachable offense,” saad ni Castro.

Giit pa niya, “At doon lamang po [ay] sana, manatili ang mga investors, ang mga kababayan po natin ay maniwala at magtiwala sa ating Pangulo. Lahat po tayo rito, hindi lamang ang Pangulo—lahat po tayo ay dapat na magkaisa upang mas lalo pa nating patatagin ang ating bansa.”

Nitong Huwebes, Enero 22, inihain ng Makabayan bloc ang ikalawang impeachment complaint laban kay PBBM, dahil daw ito sa “betrayal of public trust” na ginawa nito hinggil sa malawakang korapsyon sa flood control projects mula 2022 hanggang 2025.

Kasama rin dito ang umano’y “plunder” na siyang pinayagan at pinangunahan ni PBBM kaugnay naman sa national budget.

KAUGNAY NA BALITA: 'Absent daw!' House Secretary General, 'di tinanggap ikalawang impeachment case kay PBBM-Balita

Nauna naman nang sinabi ng Pangulo na kumpiyansa raw siyang hindi lilipad ang complaint sapagkat siya ay walang ginawang “impeachable offense.

“Yes, opo, natanong ko na po siya personal. Ang sabi po niya, hindi naman po siya nababahala, dahil alam po niya na wala siyang ginawa na impeachable offense na maaaring masabi na siya ay dapat managot,” saad ni Castro.

MAKI-BALITA: PBBM, kumpiyansa dahil wala umano siyang 'impeachable offense'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA