January 26, 2026

Home BALITA Probinsya

Rider na humarang sa nagmamadaling truck ng bumbero, buminggo sa LTO

Rider na humarang sa nagmamadaling truck ng bumbero, buminggo sa LTO
Photo courtesy: Contributed photo

Iniimbestigahan ng Land Transportation Office–Negros Island Region (LTO-NIR) ang isang motorcycle rider na isang call center agent, matapos mag-viral sa social media ang video kung saan umano’y hinarangan nito ang daanan ng isang firetruck na rumeresponde sa isang sunog sa lungsod.

Ayon sa LTO-NIR, makikita sa kumakalat na video na patuloy na umandar ang motorsiklo sa kalsada kahit naka-activate na ang sirena at warning lights ng firetruck, at walang ginawang hakbang ang rider upang magbigay-daan.

Naganap ang insidente noong Enero 15, 2026 habang rumeresponde ang Bureau of Fire Protection (BFP)–Bacolod sa isang sunog sa Barangay Alijis. 

“Every second counts during fire and medical emergencies. Delays can mean the difference between life and death, and between minor damage and total loss of property,” pahayag ni Fire Inspector Jemarie Tapiru, deputy city fire marshal.

Probinsya

Public school teacher, arestado sa drug buy-bust operation!

Nanawagan ang BFP sa mga motorista na manatiling alerto, iwasan ang hindi kinakailangang pananatili sa fast lane, at agad na magbigay-daan sa mga emergency vehicle upang masigurong mabilis at ligtas ang operasyon ng mga responder.

Sa pamamagitan ng beripikasyon gamit ang LTO Information Technology System, natukoy ng mga awtoridad ang rehistradong may-ari ng motorsiklo. 

Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon ng LTO-NIR, lumabas na bagama’t nasa tamang edad ang driver, wala itong hawak na balidong lisensiya sa pagmamaneho, na maaaring magpalala sa kaso.

Kabilang sa posibleng paglabag ang reckless driving, obstruction, pagmamaneho nang walang lisensiya, at delinquent vehicle registration. Maaari ring managot ang rehistradong may-ari ng motorsiklo kung mapapatunayang pinahintulutan nito ang isang walang lisensiyang indibidwal na magmaneho ng sasakyan.

Muling iginiit ng LTO-NIR ang kanilang paninindigan sa road safety, binanggit na ang hindi pagbibigay-daan sa mga emergency vehicle ay maaaring ituring na reckless driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code. 

Tinukoy rin ng ahensya ang Section 29 ng parehong batas na nagsasaad ng pananagutan ng mga may-ari ng sasakyan na nagpapahintulot sa mga hindi awtorisado o walang kakayahang indibidwal na magmaneho.