Mariing itinanggi ni Batangas 1st district Rep. Leandro Legarda Leviste ang mga kumakalat na tsismis na inuugnay siya sa umano’y plagiarism noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo sa ibang bansa.
Sa isang press conference sa House of Representatives nitong Miyerkules, Enero 21, 2026, tinanong si Leviste ng isang reporter hinggil sa mga batikos at pamba-bash sa kanya online, partikular ang alegasyong napilitang umalis umano siya sa isang Ivy League school dahil sa plagiarism.
“Maraming salamat na lang sa lahat ng mga gumagawa ng mga content tungkol sa akin sa social media dahil muli, ito po ay dahilan na tuloy tuloy akong may airtime na magsiwalat tungkol sa corruption sa DPWH (Department of Public Works and Highways),” pahayag ni Leviste.
“Pero I deny whatever you said,” dagdag pa ng 32-anyos na baguhang kongresista bilang tugon sa tanong ng reporter.
Ipinaliwanag na isinagawa ni Leviste ang naturang press conference upang muling bigyang-pansin ang paglalabas ng mga dokumento ng badyet na nagmula sa yumaong dating DPWH undersecretary na si Maria Catalina Cabral.
Si Cabral ay itinuturing na isang mahalagang personalidad sa umano’y katiwalian sa mga flood control project at iniulat na nagpakamatay noong Disyembre 18.