January 22, 2026

Home BALITA National

Pabiktima? Sen. Risa, binira pagiging 'balat-sibuyas' ng China sa WPS

Pabiktima? Sen. Risa, binira pagiging 'balat-sibuyas' ng China sa WPS
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT), MB FILE PHOTO

Direktang binuweltahan ni Sen. Risa Hontiveros ang Chinese embassy na masyado raw “pa-victim” ang ipinapakitang pag-uugali nito kaugnay sa usapin ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). 

Ayon sa isinagawang press conference ni Hontiveros sa “Kapihan sa Senado” nitong Miyerkules, Enero 21, sinabi niyang puwede raw punahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang “unacceptable” na pag-uugaling ginagawa ng Chinese embassy sa Maynila at paalalahanan silang kailangang sundin ang Vienna Convention on Diplomatic Relations. 

“Puwedeng i-call ng DFA ang atensyon ng Chinese embassy dito sa Manila tungkol nga sa kanilang unacceptable na behavior,” pagsisimula niya, “At paalalahanan sila na mayroong Vienna Convention na dapat nilang ino-observe at hindi nilalabag.” 

Ani Hontiveros, masyado raw pabiktima ang pag-uugali ng nasabing embahada gayong ang China umano ang umaatake sa uniformed services, nagtataboy sa mga mangingisda, at sumisira sa likas-yaman ng bansa.

National

Palasyo, umaasang mananatili investors, magtitiwala pa rin publiko kay PBBM

“Masyado namang pa-victim ang pag-uugali ng Chinese embassy dito sa Manila. After all, sila po ‘yong umaatake ng lasers at kung ano-ano pa sa ating mga uniformed services, sila ang nagtataboy sa ating mga mangingisda sa fishing grounds ng Pilipinas, sila ang sumisira ng ating likas-yaman sa dagat,” pag-iisa-isa niya. 

Dagdag pa ng senador, “Tigilan nila ‘yong ganiyang masyadong pagiging balat-sibuyas.” 

Pagpapatuloy ni Hontiveros, hindi raw sila, kasama sina Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tristan Tarriela, Sen. Kiko Pangilinan, at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima, na manahimik tungkol sa usapin sa WPS dahil lang sa pag-aalinlangang baka umano masaktan ang Chinese embassy. 

“Samantala, kami naman na nagtatrabahong opisyal sa iba’t ibang sangay ng gobyerno. Magpapatuloy kami sa pagtataguyod na ating pambansang interes at hindi kami puwedeng manahimik lamang,” aniya. 

“Hindi puwedeng manahimik lamang si Commodore Tarriela, si Sen. Kiko, si Rep. Leila, at marami-rami pa kaming mga iba, hindi kami puwedeng tumigil—at hindi kami titigil dahil lamang baka ma-hurt ‘yong feelings ng Chinese embassy,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: Diokno rumesbak sa pambabastos ng Chinese officials kina Pangilinan, Tarriela, De Lima

MAKI-BALITA: 'We will never be a province of China!' Sen. Pangilinan, sumabat sa Chinese Embassy

Mc Vincent Mirabuna/Balita