Handa na ang isang district jail sa Sta. Cruz, Laguna para sa posibleng detensiyon ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Miyerkules.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Supt. Jayrex Joseph Bustinera, ang korte sa Sta. Cruz, Laguna ang naglabas ng utos ng pag-aresto laban kay Ang kaya ang pinakamalapit na pasilidad na maaaring pagdalhan sa kanya ay ang Sta. Cruz District Jail.
“In the case of Atong Ang po, ang nag-order ho kasi [ng arrest] sa kanya na korte ay Sta. Cruz Laguna. Ang pinakamalapit po nating facility doon ay Sta. Cruz District Jail at handa naman na po ito,” pahayag ni Bustinera.
Bagama’t inilarawan niya ang naturang piitan bilang isang lumang pasilidad, sinabi ni Bustinera na kaya pa rin umano nitong tumanggap ng detainee kahit na mataas ang congestion rate.
“Bagaman ito ay isang lumang piitan, nasa 699-percent congestion rate po ito, kaya pa rin naman daw po mag-accommodate… ‘Yun po ang utos ng korte, kailangan ho naming sundin,” dagdag niya sa panayam sa state-run media na PTV.
Binanggit din ng opisyal ng BJMP na nakahanda rin ang mga jail facility sa Batangas at San Pablo, Laguna sakaling doon dalhin si Ang, dahil mayroon pa itong mga nakabinbing kaso kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa pagkawala ng dose-dosenang sabungeros.
“We’re also monitoring the fact na may mga pending cases pa ho in Batangas and San Pablo, Laguna na nakahanda na rin ho ang ating mga facilities,” ayon kay Bustinera.