January 23, 2026

Home BALITA National

PBBM, kumpiyansa dahil wala umano siyang 'impeachable offense'

PBBM, kumpiyansa dahil wala umano siyang 'impeachable offense'
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Kampante raw at hindi nababahala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa impeachment complaint na inihain laban sa kaniya sa Kamara noong Lunes, Enero 19, 2026.

Sa isang pahayag sa media nitong Martes, Enero 20, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na personal niyang nakausap ang Pangulo patungkol dito.

“Yes, opo, natanong ko na po siya personal. Ang sabi po niya, hindi naman po siya nababahala, dahil alam po niya na wala siyang ginawa na impeachable offense na maaaring masabi na siya ay dapat managot,” saad ni Castro.

Giit pa niya, “Alam po niya, muli, siya naman po ay nagtatrabaho nang naaayon sa Konstitusyon at naaayon sa batas.”

Ipinagdiinan din ng press officer na buo ang tiwala ni PBBM na hindi lilipad ang impeachment complaint.

“Yes, kumpiyansya siya dahil wala siyang ginawang mali,” anang press officer.

Gayumpaman, sinabi ng Palasyo kamakailan na tinatanggap nila ang inihaing impeachment complaint laban kay PBBM, at tiniyak na patuloy na magtatrabaho ang Pangulo habang gumugulong ang proseso.

“While these processes take their course, the President will continue to govern, ensuring that public services remain uninterrupted and that the work of government stays focused on improving the lives of our people,” saad ng PCO.

MAKI-BALITA: ‘We respect the process!' Palasyo tanggap, impeachment laban kay PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA