January 26, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Recognition rites ng isang sundalo, naging emosyonal na family reunion matapos ang ilang buwang ‘no contact’

#BalitaExclusives: Recognition rites ng isang sundalo, naging emosyonal na family reunion matapos ang ilang buwang ‘no contact’
Photo courtesy: Jenelyn Rodriguez, Mark Bartolome

Emosyonal ang naging pagsalubong ng isang pamilya sa recognition rites ng isang sundalo kamakailan matapos ang ilang buwan nilang walang komunikasyon rito. 

Makikita sa nag-viral na video sa social media na nangingilid na ang luha ng mga kaanak ng sundalong si CO1/T Mark Bartolome habang hinahanap pa lamang nila ito. 

Nang makita nila ang puwesto ni Mark, agad nila itong pinayungan at niyakap, partikular ang asawa na si Jenelyn, dala ang anak nilang sanggol. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jenelyn, Oktubre 2025 nang magsimula ang in-house training nila Mark, at noong mga panahon daw na ito, buntis na siya sa sanggol nila. 

Human-Interest

ALAMIN: Paano ititigil ang procrastination?

Aniya pa, nang manganak siya, wala na silang naging komunikasyon ng asawa dahil sa patakaran ng training, kaya ang sumunod na nilang pagkikita ng personal ay noong Enero 12 na, ang mismong araw ng recognition rites. 

Dito ay first time raw na nakita ni Mark ang baby nila, na magdadalawang buwan na. 

Kuwento pa ni Jenelyn, si Mark ay nagsasanay sa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor) at nakatakdang magtapos sa Abril. 

Bago ito, nakapasa rin daw si Mark sa National Police Commission (NAPOLCOM) at sumubok din sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP), ngunit hindi pinalad makapasa rito, kaya noong 2025, sinubukan nito sa BuCor, kung saan noong Agosto ang oath-taking nila. 

“Bale almost four months sila [training], pero noong September and October, umuwi pa sila [sa bahay]. After training, mga 5 PM, umuuwi sila. Pero noong nag-start ang in-house [training] nila noong October 27, so wala nang cellphone, wala nang communication,” saad ni Jenelyn. 

Kaya noong Enero 12, nagsisimula pa lang daw ang programa ng recognition rites, umiiyak na siya. 

“Actually, nag-start pa lang ang program, umiiyak na ako. Kasi siyempre, pangarap niya rin talaga ‘yong uniform na ‘yon,” saad ni Jenelyn.

“Sabik rin talaga kasi siyempre, wala siya noong Pasko, wala siya noong Bagong Taon. First time lahat. Lalo na noong nanganak ako, wala akong asawa noon. Emotional talaga,” dagdag pa ng ginang. 

Aniya pa, pinostpone rin daw ng tatay ni Mark ang flight nito papuntang Maynila para makita ang anak. 

Kasama pa sa naging reunion ay ang mga magulang ni Mark, mga pinsan, at mga pamangkin. 

Dahil dalawang araw lang ang bakasyon ni Mark bago muling bumalik sa training, kulang daw ang naging bonding nila dito. 

“Kulang po talaga sa oras. Parang kinabukasan lang [noong recognition rites], bumili na naman kami ng bagong shirts niya kasi puti talaga ang gamit nila sa training. Kailangan din kasi fit talaga ‘yong mga shirt nila ngayon, kasi pumayat talaga silang lahat,” saad ni Jenelyn. 

Dahil sa Abril pa raw nakatakda ang graduation ni Mark, may tatlong buwan pa silang hihintayin bago magkita ulit. 

“Sabi ko nga sa kaniya, birthday ko din this Sunday. Sana magka-passes sila kahit one or two days,” hiling ng ginang. 

Bilang asawa ng isang man in uniform, ibinahagi ni Jenelyn na sandigan niya ang dasal sa kabila ng hirap sa adjustment nila. 

“Mahirap ‘yong adjustment lalo na ‘yong first time talaga na magkahiwalay kami, walang contact. Mahirap pero sinu-surrender ko na lang kay Lord, kasi ayoko rin mag-doubt na hindi ko kaya, kasi para sa amin naman talaga ‘yong ginagawa niya,” ani Jenelyn. 

Nakatulong din daw na may group chat siya sa iba pang misis ng mga kasamahan ni Mark. 

Ipinapaliwanag din ni Jenelyn sa panganay nila ni Mark na 8-taong gulang na malapit na nilang makasama ulit ang ama, at masusundo na siya nito ulit palagi sa eskwelahan. 

“May anak din kami na 8 years old. Maka-papa talaga kasi ‘yon. Minsan gusto ko umiyak sa harap niya pero pinipigilan ko na lang. Sinasabi ko sa kaniya, ‘kaunting tiis na lang, uuwi na ulit palagi si papa.’” ani Jenelyn sa panganay nila. 

Sa mensahe naman niya sa asawa, hindi niya maipagkaila ang lubos na pagka-proud dito at sa ipinapamalas na tibay ng kalooban. 

“Ang masasabi ko lang sa kaniya, super proud kami sa kaniya. Hindi namin ine-expect na kakayanin niya doon sa loob ng training kahit wala kami. Sinasabi niya nga palagi sa letter niya, noong nakalabas na siya, may letters siya sa amin since day one. Uwing-uwi na raw talaga siya pero nag-stay pa rin siya, kinaya niya ‘yong training,” mensahe ni Jenelyn kay Mark. 

“Since day one naman, sinasabi ko sa kaniya, palagi kaming proud sa kaniya,” dagdag pa niya. 

Sean Antonio/BALITA