January 24, 2026

Home BALITA Metro

‘Masusungit’ na city hall employees, binalaan ni Mayor Maan

‘Masusungit’ na city hall employees, binalaan ni Mayor Maan
Marikina PIO

Binalaan ni Marikina City Mayor Maan Teodoro ang mga empleyado ng city government laban sa ‘pagsusungit’ sa publiko, sa gitna na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga taxpayers at business owners na nagtutungo sa city hall.

Ang babala ay ginawa ng alkalde kasunod ng natanggap na reklamo ng ilang taxpayers at business permit applicants na sinungitan umano ng ilang empleyado sa kanilang pagbabayad ng real property taxes (RPT) at pagre-renew ng business permits.

Ayon kay Teodoro, ang naturang ugali ay hindi katanggap-tanggap at hindi rin aniya ito nagpapakita sa kalidad ng serbisyo, na ipinagmamalaki ng lungsod ng Marikina.

“At dito ko kailangang maging tapat. Dismayado po ako at medyo naiinis. May mga ulat at reklamo tayong natanggap na may ilang nagbayad ng RPT at nag-renew ng kanilang business permit na nasungitan at hindi naging maganda ang karanasan,” pahayag pa ni Teodoro, sa idinaos na regular na flag raising ceremony sa city hall nitong Lunes.

Metro

MMDA, dinepensahan traffic enforcer na pinagbintangang nagtatago sa kalsada

“Hindi po ito katanggap-tanggap, at hindi ito ang serbisyong ipinagmamalaki ng Marikina,” aniya.

Muli rin namang pinaalalahanan ng alkalde ang mga empleyado na maging magalang, marespeto at mapagmalasakit sa lahat ng pagkakataon, kahit gaano man kadami at katindi ng pressure sa kanilang trabaho.

“Kaya malinaw ang paalala ko sa ating lahat: maging magalang tayo sa ating mga kliyente. Tandaan po natin ang core natin—ang pag-aalaga o ang Alagang Marikina. At sa pag-aalaga, walang puwang ang nakakunot na noo, nakataas na kilay, o bibig na nakasimangot. Pagod man tayo o marami ang kausap, respeto at malasakit pa rin ang dapat nangingibabaw,” aniya pa.

Dagdag pa niya, “Sa huli, gusto kong ipaalala na ang tiwala ng taumbayan ay hindi lang nakukuha sa mga ordinansa at programa, kundi sa araw-araw na pakikitungo natin sa kanila.  Kahit pagod, kahit minsan nasasaktan, piliin pa rin ang maging mabuti, tapat, at totoo sa ating trabaho. Always remember: smile!”