January 26, 2026

Home BALITA

VP Sara nakiisa sa selebrasyon ng Ati-Atihan Festival: 'Walang humpay na pasasalamat at pag-asa'

VP Sara nakiisa sa selebrasyon ng Ati-Atihan Festival: 'Walang humpay na pasasalamat at pag-asa'
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/FB, Only in Aklan/FB


Nagpaabot ng isang pagbati si Vice President Sara Duterte para sa mga taga-Kalibo, Aklan na nagdiriwang ngayong araw, Enero 18, ng kanilang taunang Pista ng Ati-Atihan.

Sa ibinahaging pahayag ni VP Sara nito ring Linggo, Enero 18, binigyang diin niya na ang paggunita sa naturang okasyon ay isang matibay na marka ng pananampalataya, katatagan, at pagkakaisa.

“Sa araw na ito, ipinapaabot ko ang aking pinakamainit na pagbati sa mga minamahal nating taga-Kalibo, Aklan, sa pagdiriwang ninyo ng inyong taunang Ati-Atihan Festival,” saad ni VP Sara.

Aniya, “Ang Pista ng Ati-Atihan ay higit pa sa mga nakaka-indak na tugtugin, makulay na kasuotan, at sayawan. Ito ay isang matibay na selebrasyon ng ating pananampalataya, isang pagpapakita ng katatagan sa gitna ng mga hamon, at isang paalala ng ating pagkakaisa sa kabila ng ating pagkakaiba-iba.”

Hiniling din niya na baunin ng bawat isa ang tunay na diwa ng Ati-Atihan—pasasalamat at pag-asa.

Probinsya

Shipping line ng lumubog na M/V Trisha Kerstin 3, nakiramay sa mga kaanak ng kanilang mga pasahero



“Sa paggunita natin sa inyong mayamang kultura at tradisyon, nawa'y baunin nating lahat ang diwa ng inyong selebrasyon: ang walang humpay na pasasalamat at ang pag-asa para sa mga masaganang bukas,” anang bise presidente.

“Nakikiisa ako sa inyong lahat sa pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival. Happy Ati-Atihan Festival! Viva Señor Santo Niño! Hala bira! Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” pagtatapos niya.

Taunang ginaganap tuwing buwan ng Enero sa Kalibo, Aklan ang selebrasyon ng Ati-Atihan Festival, bilang pagkilala kay Señor Santo Niño.

Ito rin ay ang tinaguriang “Mother of all Philippine Festivals,” dahil sa “historical significance” at “cultural impact” nito.

Vincent Gutierrez/BALITA