Inamin ni Silent Superstar Jodi Sta. Maria na hindi naging madali sa kaniya ang journey nang pasukin niya ang blended family.
Sa latest episode ng “KC After Hours” noong Sabado, Enero 17, nausisa si Jodi kung paano siya nagkaroon ng good parenting relationship na para sa iba ay mahirap gawin.
Aniya, “I’m speaking of my journey, our journey, as a blended family na nag-work for us. Pero it didn’t happen overnight. It was hard.”
“Kasuhan left and right. I mean, we are just so hostile na hindi mo talaga kami mapagsasama sa isang room,” dugtong pa ni Jodi.
Pero isang gabi, 13 years ago, habang umiinom daw si Jodi bandang alas-tres ng madaling-araw, tumawag ang kaibigan niya. Tinanong siya at kinumusta.
“Sabi ko, ‘I’m fine. Tomorrow may ganito-ganyang-mangyayari.’ And then sabi ko, ‘Ba’t gano’n?’ Ang pakiramdam ko kasi, ako ‘yong naagrabyado. Pero bakit parang ako ‘yong nahihirapan? Di ba dapat sila ‘yong mag-suffer,” lahad ni Jodi.
Dagdag pa niya, “Then I remember this friend told me. Sabi niya, ‘Jodi, the Lord opposes the proud. But gives grace to the humble.’ I’m like, ‘What? You don’t get it!’ Sabi ko talaga, ‘Hindi mo naiintindihan.’”
Ngunit kalaunan, hindi na nawala sa isip ni Jodi ang sinabi ng kaibigan. Kaya napagdesisyunan niya na ipatigil ang pagsasampa ng kaso laban sa dating mister na si Panfilo Lacson, Jr.
“Then I messaged him, I’m sure nagulat siya na, ‘Ha? Bakit ako minessage nito?’ Sabi ko, ‘Can I meet you in this place, at this time? Let’s talk.’ So, do’n nag-start,’ anang aktres.
Matapos ito, nasabi ni Jodi na isa na sila ngayong happily blended family. Gayunman, nauna na niyang nilinaw na hindi raw niya ineetsa-pwera ang nararamdaman ng iba na nahihirapan sa ganitong set up ng pamilya.
Matatandaang Hunyo 2024 nang tuluyang mapawalang-bisa ang kasal nina Jodi at at Panfilo. Ikinasal sila noong 2005 at nagkahiwalay noong 2011. Nagkaroon sila ng isang supling, si Thirdy.
Maki-Balita: Jodi Sta. Maria, annulled na kay Panfilo Lacson, Jr.