January 24, 2026

Home BALITA Probinsya

7-anyos na bata, patay matapos magulungan ng pick-up truck

7-anyos na bata, patay matapos magulungan ng pick-up truck
Photo courtesy: Contributed photo

Isang pitong taong gulang na batang babae ang nasawi matapos mabunggo at magulungan  ng isang pickup truck sa national highway ng Barangay Uso, Suyo, Ilocos Sur bandang gabi ng Biyernes, Enero 16, 2026.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, naganap ang insidente habang binabagtas ng isang kulay kahel na pickup truck ang nasabing bahagi ng highway. 

Sa kuha ng CCTV na nakuhanan sa lugar, makikitang papalapit ang sasakyan nang biglang tumakbo ang bata patawid ng kalsada mula sa kanang bahagi. Dahil sa biglaang paglabas ng biktima, aksidente itong nabangga ng pickup truck.

Matapos ang pagbangga, nasagasaan pa umano ng dalawang beses ang bata, na lalong nagdulot ng matitinding pinsala sa kaniyang katawan. Makikita rin sa CCTV footage na agad na tumakbo ang ina ng biktima patungo sa kaniyang anak matapos ang insidente, habang ang driver ng pickup truck ay huminto, bumaba ng sasakyan, at lumapit sa mag-ina.

Probinsya

Taxi driver na tinangkang molestiyahin pasahero niya sa Davao City, tinutugis na!

Ayon sa mga awtoridad, nagtamo ang biktima ng malubhang sugat at pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Agad siyang isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa bayan ng Tagudin upang mabigyan ng agarang lunas. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, isinailalim sa kustodiya ng Suyo Municipal Police Station ang 33-anyos na driver ng pickup truck na residente ng Itogon, Benguet. Inihayag ng pulisya na nakikipagtulungan naman ang driver sa imbestigasyon at sumailalim na rin sa mga kinakailangang proseso, kabilang ang dokumentasyon at pagkuha ng pahayag.

Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pangyayari, kabilang ang eksaktong takbo ng sasakyan, bilis nito, at kung may iba pang salik na nakaapekto sa aksidente.

Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko, lalo na sa mga motorista at magulang, na maging mas maingat sa lansangan upang maiwasan ang mga ganitong trahedya, partikular sa mga lugar na malapit sa mga kabahayan at kung saan may mga batang maaaring biglang tumawid sa kalsada.