January 24, 2026

Home BALITA Metro

Portalet sa palengke ng Parañaque, pinamahayan ng palaboy na babae

Portalet sa palengke ng Parañaque, pinamahayan ng palaboy na babae
Photo courtesy: Screenshots from Bhiel Tupas Barrios (FB) via Frontline Pilipinas (YT)

Ikinagulat ng mga awtoridad na nagsagawa ng clearing operations sa isang pamilihan sa La Huerta, Parañaque ang pagkakatuklas na ginawang bahay ng isang babae ang isang portable toilet o portalet na nakatayo sa kalsada.

Sa ulat ng "Frontline Pilipinas" ng TV5, sinabing habang hinahatak ng mga awtoridad ang mga naiwan at nakatiwangwang na banyera ng isda, upuan, at iba pang mga iniwang gamit sa Bulungan Market, nang mapansin nila ang babaeng palaboy na natutulog sa isang bench na gawa sa bato, habang natatakpan ng karton.

Ginising nila ang babae at pinaalis. Pero ang ikinabigla nila, nagtungo ang babae sa portalet at inimis ang mga gamit niya mula rito.

Makikitang nakasampay ang mga damit at nakalagay ang mga gamit ng babae sa loob mismo ng portalet, na tila ba ginawa na niyang bahay. Ang toilet sa loob, hindi na raw makita dahil tinakpan niya ng styrofoam at tila ginawang cabinet. May mga unan at timba rin sa loob. Tumulong na ang mga awtoridad na hakutin ang mga gamit niya.

Metro

Inuman ng mga kabataan, nauwi sa batuhan at sapakan sa kapitbahay

Pero higit pa rito, nakakita rin ng mga drug paraphernalia na hinihinalang ginamit ng babae, na kinumpiska rin ng mga awtoridad.

Hindi naman tinukoy kung saan dinala ang nabanggit na babae matapos paalisin sa portalet.