Nilinaw ni Batangas 1st. district Rep. Leandro Leviste ang pakay daw niya sa pagsasampa ng libel case laban kay Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.
Sa panayam sa media, iginiit ni Leviste na hindi raw niya nais masaktan si Castro sa pagsasampa niya ng libel case laban dito—ngunit kailangan lang daw niyang protektahan ang kaniyang pangalan.
“Hindi ko naman pong nais na masaktan si Usec. Claire Casto ngunit kailangan ko lang pong depensahan ang aking pangalan. Dahil naka ilang vlog na po siya tungkol sa akin,” ani Leviste.
Inihayag din niyang marami pa raw grounds ang maari nilang isampa laban kay Castro.
Saad niya, “At ayon po sa advice ng aking lawyer, maraming salamat po kay Atty. Topacio sa kaniyang guidance, napakarami pong grounds to file a case on Usec. Claire Castro for libel.”
Dagdag pa niya, “Ang pangunahing pakay ko po ay depensahan ang aking pangalan, at gusto ko pong linawin sa inyong lahat, 'Wala akong binentang prangkisa.'”
Matatandaang kamakailan ay naiulat na pinagmumulta ng humigit-kumulang ₱24 bilyon na may kinalaman sa mga renewable energy contracts ng kaniyang kumpanya—Solar Philippines, at ang hindi pagkakatupad ng ilang obligasyon at requirements sa ilalim ng regulasyon ng Department of Energy (DOE).
KAUGNAY NA BALITA: May multa pang ₱24B? Kontrata ng Solar Philippines ni Leviste, terminated sa DOE!
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si Castro hinggil sa legal na aksyon na isinampa ni Leviste laban sa kaniya.