Kinuwestiyon ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang pagsasampa sa kaniya ng libel case ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste dahil ba raw hindi niya kaibigan ang ina nito at hindi siya ginagalang ng solon.
Ayon kay Castro, sa ibinahagi niyang video sa kaniyang YouTube account mula sa panayam sa kaniya ng GMA Integrated News nitong Biyernes, Enero 16, sinabi niyang wala pa raw siyang natatanggap na kopya tungkol sa kasong isinampa sa kaniya ni Leviste.
“Wala pa akong natatanggap na kopya. Kung anoman ang aking isasagot ngayon ay base sa kaniyang mga interviews,” pagsisimula niya.
Kuwestiyon pa niya, “Tama po ba ako na idinidemanda niya ako dahil sinabi kong ibinenta niya ‘yong kaniyang kompanya?”
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, sa pagsasampa ng kasong libel: 'Hindi ko nais masaktan si Usec. Claire Castro!
Paglilinaw ni Castro, nag-ugat daw ang pagsasampa ng kaso ni Leviste dahil sa pagpapaliwanag niya sa pagbebenta at paglipat ng franchise ng mambabatas sa kaniyang kompanya.
“Unang una po, nainterview din po siya… sinabi mismo, kung hindi tayo nagkakamali [ay] si Weng yata ‘yon, na ang source naman ng diumano ng pagbebenta, pagta-transfer ng kumpanya na may franchise ay si Ombudsman Remulla,” aniya.
Pagkukumpara ni Castro, nasaad daw ni Leviste na hindi niya idedemanda si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla dahil sa iginagalang niya ito at kaibigan ng kaniyang ina na si Sen. Loren Legarda.
Habang si Castro umano ang masasampahan ng kaso dahil hindi nito kaibigan ang nasabing senador at ibig sabihin ba raw noon na hindi siya ginagalang ni Leviste.
“Ang sabi niya, hindi niya idedemanda si Ombudsman Remulla dahil iginagalang niya ito at kaibigan ng kaniyang ina,” diin niya.
Dagdag pa niya, “So ako na nag-content, napag-usapan, ipinaliwanag ko sa aking mga viewers kung ano ‘yong nangyayari tungkol dito—ako ang sasampahan niya ng libel case? Dahil ba sa hindi ako kaibigan ng kaniyang ina at hindi niya ako ginagalang?.”
Pagpapatuloy pa ni Castro, ‘yon daw ang pinagpapalagay ng naturang pahayag ni Leviste.
“Kasi ‘yon ‘yong premise. Hindi niya idedemanda si Ombudsman kahit na ‘yon ang source ng facts o ng balita, ako ang kaniyang idedemanda dahil hindi niya ako iginagalang at hindi ako kaibigan ng kaniyang ina?” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Rep. Leviste, sa pagsasampa ng kasong libel: 'Hindi ko nais masaktan si Usec. Claire Castro!
MAKI-BALITA: ‘Ayoko pong makulong si Usec. Claire Castro' Rep. Leviste, 'di raw bet magsampa ng 'criminal case'
Mc Vincent Mirabuna/Balita