January 26, 2026

Home BALITA

PH, una sa Asya sa paggamit ng blockchain sa budget; una sa mundo na may on-chain nat'l budget—DICT

PH, una sa Asya sa paggamit ng blockchain sa budget; una sa mundo na may on-chain nat'l budget—DICT
Photo courtesy: RTVM/YT


Masayang ibinahagi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Henry Aguda ang mga detalye ng ikinasang “blockchain” sa budget ng bansa.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Enero 15, sinabi ni Aguda na una raw sa Asya at sa mundo ang Pilipinas pagdating sa paggamit ng blockchain sa national budget at pagkakaroon ng on-chain national budget.

“Masaya ko pong sinasabi, ang Pilipinas ang unang legislative body sa Asia na gumamit ng blockchain para sa national budget—at unang bansa sa mundo na may fully on-chain national budget po. So, first in the Philippines,” panimula ni Aguda.

Paliwanag pa niya, “Ibig sabihin, ang pera ng taumbayan may permanenteng digital na resibo. Hindi puwedeng palitan, hindi puwedeng dayain. Hindi lang tayo sumabay, nag-leapfrog po tayo. Habang ang ibang bansa ay gumagamit lamang ng blockchain sa mga portions of their budget, ito pong taon na ito, matatapos ang taon na ang Pilipinas ang maglalagay ng buong budget cycle sa isang tamperproof system.”

Pagmamalaki pa ng kalihim, wala pa raw ni isang bansa ang gumawa nito, kung hindi Pilipinas pa lang.

“Wala pang bansa na gumawa nito—mula approval, paggastos, disbursement, hanggang reporting. So, simula po ‘yan sa 2026 General Appropriations Act,” pagmamalaki niya.

“Magkakaroon na po ng Digital Seal of Truth, isang opisyal na kopya na puwedeng i-verify sa kahit sino, kahit kailang taon na ang lumipas,” anang kalihim.

Dagdag pa niya, “Ito ang digital bayanihan chain ng DICT kasama ang Kongreso at DBM po. Isang sistema na nagsasabing ang budget ng bayan ay malinaw, totoo, at hindi nabubura ng panahon o pulitika.”

Matatandaang isa ang Citizens Access Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act sa mga legislative orders na pinapamadaling ipasa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso kamakailan, na siyang kinilala naman ni Sen. Bam Aquino.

“Tamang-tama rin na inanunsiyo ito ng Malacañang sa Anti-Corruption Day, dahil ang CADENA-Blockchain the Budget Bill ay naglalayong wakasan ang korapsyon, palakasin ang transparency, at tiyakin ang tunay na pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan,” ani Sen. Bam.

MAKI-BALITA: PBBM, pinamamadali pagpapasa ng Anti-dynasty bill, Party-list System Reform Act, atbp.-Balita

MAKI-BALITA: Sen. Bam sa legislative orders ni PBBM: 'Tamang-tama sa Anti-Corruption Day!'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA