Curious ang mga netizen kung bakit daw tila nag-unfollow na sa Instagram ng isa't isa ang magkarelasyong sina John Lloyd Cruz at Isabel Santos, matapos itong mapansin ng mga marites na netizen.
Pumutok ang tsika tungkol dito nang i-ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) ang naging obserbasyon ng mga netizen tungkol sa naganap na unfollowan.
Nagiging "indicator" o palatandaan kasi ng mga netizen ang pag-unfollow kung halimbawang may naghihiwalay na magkarelasyong showbiz couple, o kaya nag-fall out na magkaibigan.
Matatandaang nagsimula ang "low-key relationship" nina John Lloyd at Isabel noong 2021. Ayon sa showbiz columnist na si Cristy Fermin noon, ang jowa ng aktor ay apo ng award-winning cartoonist, illustrator at fine arts painter na si Mauro Malang Santos, na isa ring pintor.
Kaugnay na Balita: Cristy, kinumpirmang may bagong jowa si John Lloyd Cruz
Hanggang sa unti-unti, naging madalas na rin ang pagpo-post ng dalawa sa social media kung saan makikitang magkasama silang dalawa.
Noong 2023, sa guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda," diretsahang sinabi ni Lloydie na "boyfriend siya ni Isabel at girlfriend niya ito."
“Si Isabel ay girlfriend ko or boyfriend niya ako,” tugon ni John Lloyd.
Sinubukan pang magtanong ni Tito Boy ng iba pang impormasyon tungkol sa relasyon ng dalawa pero tila nag-aalinlangan siyang magkuwento.
“We’re boring people,” sabi ni John Lloyd, “wala kaming maikukwento.”
Kaugnay na Balita: John Lloyd sa relasyon nila ni Isabel: 'GF ko or BF niya 'ko!'
Pero ayon sa aktor, matagal na umano silang magkakilala ni Isabel at ang gallery umano nina Isabel ang unang pinasok niya noong umalis siya sa ABS-CBN.
Ilang beses ding nag-flex sa isa't isa sina John Lloyd at Isabel sa kani-kanilang social media accounts, partikular sa Instagram.
Kamakailan lamang, naispatan pa silang magkasama sa piano recital event ni Elias kasama ang nanay na si Ellen Adarna, na dating karelasyon ni John Lloyd, na nangyari noong Disyembre 14, 2025.
Pero kahit na sinasabing nag-unfollow, makikita pa rin sa Instagram account ni Isabel ang isang post kung saan nasa Milan sila ni Lloydie, noon namang Oktubre 2025.
Matatandaang kamakailan lamang ay naging usap-usapan si John Lloyd matapos ang umano'y girian sa pagitan nila ni Kapamilya host Robi Domingo sa kasal ng kaibigan nilang sina Zanjoe Marudo at Ria Atayde, pero hanggang ngayon, wala pa ring nagsasalita patungkol dito, mula sa kanilang dalawa.
Maki-Balita: John Lloyd Cruz, kinompronta si Robi Domingo; muntik magkasuntukan?
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo nina John Lloyd at Isabel tungkol sa mga alegasyon.