Ipinagtanggol ni Energy Secretary Sharon Garin nitong Huwebes, Enero 15, 2026 ang Department of Energy (DOE) laban sa alegasyong naimpluwensiyahan ng tangkang paglalabas ng tinaguriang “Cabral files” ang pagkansela ng mga kontrata ng pamahalaan na nakuha ng kompanya ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
"I was hesitant nga to cancel because of the Cabral files baka madali yung DOE dito, but we cannot not terminate just because he's a politician, that would be the other way around," pahayag ni Garin sa isang panayam sa ANC.
"It's so unfair to say na nag-warning ng September… We've been warning him for since 2019, 2020, 2021," dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ng DOE na magpapataw ito ng ₱24 bilyong multa laban sa Solar Philippines Power Projects Holdings, kompanyang itinatag ni Leviste, dahil sa kabiguang tuparin ang mga commitment nito.
Ayon kay Garin, kinansela ng ahensiya ang kabuuang 163 power supply service contracts na may katumbas na 17,000 megawatts. Sa bilang na ito, 28 kontrata o humigit-kumulang 12,000 megawatts—katumbas ng 60 porsiyento ng DOE projections—ang hawak ng Solar Philippines.
Binigyang-diin ni Garin na malinaw at naaayon sa mandato ng ahensiya ang mga aksiyon ng DOE laban sa Solar Philippines at bilang regulator, “we need to discipline our investors.”
Ang “Cabral files” ay umano’y naglalaman ng mga listahan ng insertions sa pambansang badyet at ng mga proponent nito na sinasabing hawak ng yumaong public works undersecretary na si Maria Catalina “Cathy” Cabral.
Si Cabral ay nadawit sa flood control corruption scandal dahil sa alegasyong pag-aayos ng mga insertion sa national budget na napunta umano sa mga maanomalyang infrastructure project.
Sa isang pahayag, sinabi ni Leviste na nakatanggap na umano siya ng mga babala noong Setyembre na maaari siyang maharap sa mga kaso sakaling ilabas niya ang naturang mga dokumento.
“Mula pa noong Setyembre, sinasabihan na ako na gagawan ako ng mga kaso kung ilalabas ko ang 'Cabral Files' at manahimik na lang ako para sa sarili kong kapakanan,” ani Leviste.
Sa isang Facebook post, sinabi rin ng unang terminong mambabatas, batay umano sa isang hindi pinangalanang source, na ang mga “atake” laban sa kaniya ay nagmula sa mga taong malapit sa contractor at mambabatas na si CWS Party-List Rep. Edwin Gardiola at sa iba pang hindi tinukoy na public works contractors.
“Ang mga taong dapat imbestigahan ay may impluwensiya sa mga nag-iimbestiga,” dagdag pa ni Leviste nang hindi pinangalanan ang tinutukoy.