Nagkomento si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque hinggil sa mga reklamong kinakaharap ng mga batang kongresistang sina Batangas 1st district Rep. Leandro Leviste at Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga.
Sa kaniyang social media post, sinabi ni Roque na tila pinatatahimik na raw ang kanilang “Batman and Robin.”
“Hayan na! Pinapatahimik na si batman and robin! Kaso laban kay Barzaga at 24B fine laban kay Leviste. Payag ba tayong mga fans nila?”
Idinugtong pa niya, “Buti na lang may mga batang mambabatas na di magpapasupil! Mabuhay kayo Meow-meow at Leandro!”
Matatandaang bagong isyu ngayon ang cyberlibel complaint na isinampa ni businessman Enrique Razon Jr., chairman ng port operator na International Container Terminal Services Inc., laban kay Barzaga. Ayon sa reklamo na isinampa sa Makati City Prosecutor’s Office, sinasabing may mga pekeng pahayag si Barzaga sa Facebook na diumano’y nag-uugnay kay Razon sa mga bribery at korapsyon sa Kongreso.
Maki-Balita: 'The sooner, the better!' Rep. Barzaga, handang harapin si Enrique Razon
Idinedeklara ng legal team ni Razon na ang mga nasabing posts ay “false and malicious,” at malawak na na-share bago pa man ito nabura mula sa social media. Naghain si Razon ng dalawang counts ng cyberlibel at humihiling ng malaking danyos laban sa mambabatas.
Bukod pa rito, may mga iba pang legal na hamon na kinakaharap si Barzaga — kabilang ang mga reklamo ng inciting to sedition at rebellion at ang kanyang pagkakatanggal bilang Army reservist dahil sa kontrobersyal na post laban sa militar.
Samantala, si Leandro Leviste ay nasa sentro rin ng mga legal at regulatory issues. Kamakailan ay na-ulat ang pag-uulat ng multa o penalty na humigit-kumulang ₱24 bilyon na may kinalaman sa mga renewable energy contracts ng kanyang kumpanya, Solar Philippines, at ang hindi pagkakatupad ng ilang obligasyon at requirements sa ilalim ng regulasyon ng Department of Energy (DOE).
KAUGNAY NA BALITA: May multa pang ₱24B? Kontrata ng Solar Philippines ni Leviste, terminated sa DOE!
Bagamat hindi direktang kasong kriminal ang usaping ito, bahagi ito ng lumalaking serye ng mga pagsisiyasat at regulatory scrutiny laban sa kanyang mga negosyo.