Kinumpirma mismo ng Department of Energy (DOE) na kasama sa kanilang mga na-terminate ang aabot sa 12,000 megawatts (MW) na awarded contracts nila noon sa Solar Philippines na ang founder ay si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
Ayon sa mga ulat nitong Martes, Enero 13, nilinaw umano sa publiko ni DOE Secretary Sharon Garin na sa kabuuang bilang na 17,904 MW na kontratang nawakasan ng kanilang ahensya, aabot sa 11,427 MW sa mga ito ay mula sa solar projects ng Solar Philippines na itinayo ni Leviste kung saan bigo raw silang tumalima sa contractual obligation nila noong 2024 hanggang 2025.
“We will pursue this obligation, the imposition of this obligation to all the developers na natatabi ito that are supposed to pay for this,” saad ni Garin.
Naghahanda na umano ang DOE sa pagsasampa ng kaso laban sa mga developers na nagawaran nila ng kontrata sa ilalim ng green energy auction ngunit bigong punan ang kanilang obligasyon.
Pagkukumpirma pa umano ni Garin, kasama na rito ang mga developers ng Solar Philippines at maaaring humarap sa multang ng aabot sa ₱24 bilyong halaga dahil sa bigo nilang pagtalima sa performance bond, contractual obligations, at financial obligation mula sa mga kontratang iginawad sa kanila.
“We have not received any response from [their] company nila sa DOE, do’n sa performance bond nila na kailangan nilang bayaran,” paglilinaw pa niya.
Kaugnay nito, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Leviste tungkol sa isyu.
MAKI-BALITA: Cong. Leviste sa mga tahimik sa korapsyon: 'Kayo'y mga tagapagtanggol, kasabwat!'
MAKI-BALITAl: Leviste, San Fernando, Barzaga binabansagang 'Makabagong GomBurZa'
Mc Vincent Mirabuna/Balita