January 25, 2026

Home BALITA National

Palasyo vs DDS? Atty. Castro, tumirada sa maghahain ng impeachment complaint kay PBBM

Palasyo vs DDS? Atty. Castro, tumirada sa maghahain ng impeachment complaint kay PBBM
Photo courtesy: PCO (FB), VP Sara Duterte (FB)

Binuweltahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang umano’y mga Duterte supporter na nagpaplanong maghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. 

Ayon sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Lunes, Enero 12, sinabi ni Castro na hindi pa raw nakakapaghanda ang Pangulo sa umano’y impeachment complaint laban sa kaniya dahil hindi pa raw iyon nakakarating sa kaniya. 

“Wala pa nga ‘yong complaint, papaano makakapag-ready ang Pangulo. Babasahin muna kung mayroon mang complaint,” pagsisimula niya. 

Ani Castro, lumabas na rin daw sa publiko at mga balita na mula sa mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte ang nasabing ihahaing reklamo. 

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

“Ito’y nakita na rin natin sa balita na ‘di umano'y may lumapit sa isang mambabatas na mga supporters ng isang politician at mukhang sila ay miyembro ng DDS,” aniya. 

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, binutata pahayag na may impeachment laban kay PBBM

Dagdag pa niya, “Sa mga supporters po ng Bise Presidente na nagnanais po na magsampa ng impeachment complaint [sa Pangulo], mas maganda po siguro bago magturo at tumingin sa iba, tulungan muna nila ang idolo nila.” 

Pagpapatuloy ni Castro, hindi raw dapat ituring na basta-basta lamang ang paghahain ng impeachment complaint laban sa Pangulo para lang makaiwas umano si VP Sara sa mga isyung nauugnay sa kaniya. 

“Unang una, dahil ang usapin dito, ang impeachment complaint, hindi ito pang-media lamang—hindi ito panakot lamang. Mas maganda po na masagot ang mga isyu dahil sinasabi nila ang paglalabas, ‘di umano, ng balak ng supporter ng mga Duterte na magsampa ng impeachment,” pagdidiin niya.  

“Sinasabi ng iba na ito ay para makaiwas ang Bise Presidente sa mga isyung paglustay at mga ‘di umanong pagtanggap ng pondo, milyon-milyong pondo, mula sa mga drug lords. Mas magandang masagot po iyan,” paliwanag pa niya. 

Dinipensahan din ni Castro si PBBM na hindi raw ito nagnakaw sa kaban ng bayan, siyang nagpapaimbestiga sa maanomalyang flood control projects, at walang “Mary Grace Piattos.” 

“Ang Pangulo naman, handa naman po sa lahat ng pagkakataon dahil siya po ay gumagalang sa konstitusyon—gumagalang po siya sa proseso. Pero kung pag-uusapan po natin ay breach of public trust na nabanggit ito tungkol sa ‘di umanong pagpirma sa GAA, ang Pangulo po, unang una, hindi po siya nagnakaw ng pera,” pagdidiin niya. 

“Pangalawa, siya po ang nagpapaimbestiga sa mga maanomalyang flood control project at maaaring naging sanhi ng korapsyon. Pangatlo, wala po siyang Mary Grace Piattos,” pagtatapos pa ni Castro. 

Samantala, wala pa naman inilalabas na pahayag, tugon, o sagot ang mga nasabing grupo na pinatutsadahan ni Castro. 

MAKI-BALITA: Palasyo, binutata pahayag na may impeachment laban kay PBBM

MAKI-BALITA: Palasyo, ibinidang sa PBBM admin lang nangyari pagsasauli ng kickbacks ng mga 'korap'

Mc Vincent Mirabuna/Balita