Kinumpirma na ni Onemig Bondoc na nanliligaw siya sa actress-politician na si Aiko Melendez.
Sa joint TikTok live nina Aiko at Onemig kamakailan, inurirat ng netizens kung sila na nga ba talaga.
“Hindi,” sagot ni Aiko.
Sabi naman ni Onemig, “I wish. Pero hindi niya pa ko sinasagot, e.”
Samantala, sa isang Instagram post ni Onemig noong Sabado, Enero 10, ibinahagi niya ang picture nila ni Aiko nang magkasama.
“Happy together....after 29 yrs,” saad ng aktor sa caption.
Suportado naman ng anak ni Aiko na si Marthena ang pagkakamabutihan ng dalawa. Komento niya sa post, “Awwww.”
"[H]i mimi! Enjoy your time with your dad:)” sagot naman ni Onemig.
Ayon kay Onemig, dalawang dekada na raw niyang hinihintay na masuklian ni Aiko ang pagmamahal niya.
Matatandaang naungkat ang naunsyaming panliligaw sana ni Onemig kay Aiko nang magsilbi siyang guest sa isang episode ng vlog nito noong Disyembre 2025.
Isiniwalat niyang nagkaroon umano sila ng usapan na magkikita sa Subic ngunit hindi siya nito sinipot.
Aniya, “I was waiting for three hours and my friends didn’t know that I was waiting for someone. So hindi sumipot, so, I guess basted ako.”
“Ako ‘yong hindi sumipot,” sabi ni Aiko. “Bahala na kayo, sige na cheers tayo, sisiputin na kita sa Quezon City.”