January 25, 2026

Home BALITA National

'May ididiin!' Mon Tulfo, isiniwalat umano'y 'game plan' ng BGC Boys at kampo ni VP Sara

'May ididiin!' Mon Tulfo, isiniwalat umano'y 'game plan' ng BGC Boys at kampo ni VP Sara
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO

Tila isiniwalat sa publiko ng beteranong radio broadcaster at kolumnista na si Ramon Tulfo ang nakarating umano sa kaniyang plano ng binansagang “BGC Boys” na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza na tulungang ma-acquit sa impeachment complaint at maging Pangulo si Vice President Sara Duterte sa Halalan 2028. 

Ayon sa naging pahayag ni Tulfo sa kaniyang Facebook post noong Enero 10, sinabi niyang may “game plan” umano ang BGC Boys para isangkot ang ilang matataas na opisyal sa maanomalyang flood control projects ng DPWH. 

“May game plan sa pagbawi nina Alcantara, Hernandez at Mendoza (BGC Boys) ng kanilang confession na isinasangkot ang ilang matataas na opisyal sa flood control scam,” pagsisimula niya, “Yan ang nakalap kong balita sa aking tweety bird.”

Screenshot mula sa post ni Tulfo sa FB

Screenshot mula sa post ni Tulfo sa FB. 

National

Banat ni Greco kay Ogie: 'Yaan mo na kaming mga lalaki dito sa gubyerno, gawain ng tunay na lalaki ito!'

Ani Tulfo, nakikipag-usap umano ang kampo ng BGC Boys kina VP Sara para tulungang ma-acquit ito sa impeachment complaint laban sa kaniya at maging Pangulo sa susunod na national election. 

“Nakikipag-usap ang mga abogado raw ng BGC Boys sa kampo ni Sara Duterte na maaaring ma-impeach next month,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Ang pag-asa nila ay ma-acquit si Sara sa Senado, acting as an [impeachment] court, at maging presidente ng bansa sa 2028.” 

Pagtutuloy pa ni Tulfo, maaari daw makatanggap ng executive clemency mula kay VP Sara ang BGC Boys sakali mang maging Pangulo ang una sa 2028 dahil alam daw nilang sila rin ang madidiin at makukulong kaugnay sa flood control projects anomalies. 

“Alam ng mga BGC Boys na sila ang madidiin at makukulong sa salang plunder in connection with the flood control scam, ayon sa tweety bird. Of course, that's a foregone conclusion,” saad niya. 

“Pero kapag nanalo si Sara, bibigyan sila ng executive clemency (pardon, commutation, reprieve), ayon sa game plan,” paglilinaw pa niya. 

Ayon pa kay Tulfo, dapat din umanong manatili si VP Sara sa mga kaalyado niyang senador para masiguradong hindi ito maiimpeach sa puwesto. 

“Kailangan din daw ni Sara na manatili ang mga kaalyado niyang senador dahil physical vote ang kailangan sa impeachment case sa Senado. Ilan sa mga senador na naunang isinangkot ng BGC Boys ay sina Senators Chiz Escudero, Joel Villanueva and Jinggoy Estrada,” ‘ika niya. 

“Kalangan daw na maidiin sa ‘ghost’ projects ang mga kongresista na napangalanan upang masangkot si dating Speaker Martin Romualdez and then eventually BBM,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, bagama’t walang matibay na ebidensyang naipakita si Tulfo sa publiko sa kabila ng kaniyang mga nasabi, wala reaksyon, tugon, o pahayag ang kampo ng BGC Boys at si VP Sara tungkol dito. 

MAKI-BALITA: Sen. Erwin Tulfo, kumulo dugo, magkakasabay sinabon ang ‘BGC Boys’

MAKI-BALITA: 'Chismis lang!' VP Sara, kinontra bintang ni Ramon Tulfo na destabilisasyon

Mc Vincent Mirabuna/Balita