Tila hindi umano pipilitin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na padaluhin sa sesyon ng Senado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa kabila ng pagiging matagal nang “missing in action” sa paggampan ng kaniyang trabaho bilang senador.
Ayon naging pahayag ni Sotto nitong Biyernes, Enero 9, sinabi niyang hindi raw niya pinakikialaman ang mga senador kung papasok man ang mga ito o hindi mula pa man noong magsimula siyang maging Senate President hanggang sa kasalukuyan.
“Lahat ng 23 senators, kahit na noong Senate President ako noon at saka hanggang ngayon, hindi ko pinakikialaman kung papasok sila’t hindi, e,” pagsisimula niya, “So, why now?”
Ani Sotto, mahirap daw pilitin si Dela Rosa lalo na at alam niyang “umiilag” ito sa kinakaharap nitong problema ngayon kaugnay sa pumutok na balitang pagkakaroon ng warrant of arrest laban sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC).
“Mahirap naman ‘yong sitwasyon ko na ‘yon dahil alam ko—alam naman natin na umiilag siya doon sa problema. ‘Di ba?” aniya.
“Ba’t ko siya pipilitin kung umiilag siya doon sa problema?” tanong pa niya.
Pagpapatuloy ni Sotto, mahalaga raw na tumatakbo pa rin ang opisina ni Dela Rosa at managot din ito sa mga taong bumoto sa kaniya noong eleksyon.
“It’s his own lookout. Managot siya sa mga bumoto sa kaniya. Basta ginagawa ng opisina nila ‘yong trabaho nila then we keep the office running,” diin niya.
Bibihira lamang daw ang pagkakataon na kailangan nilang piliting pumasok ang isang senador depende kung kailangan nila ng boto nito sa Senado.
“The only time na mapipilit naming pumasok ang isang senador is kung kailangan ang boto niya,” ‘ika niya.
“Ganito. Meron sa rules namin na kapag mayroong botohan at importante ang boto mo, o importante na pabotohin lahat or ‘ika nga’y kakapusin or sosobra ang boto ng iba, puwedeng imando ng Senate President na kunin, arestuhin ‘yong senador at papuntahin sa Senate para bumoto,” paliwanag pa niya.
Ayon pa kay Sotto, “Mayroon kaming ganoong rule—noong araw pa ‘yan at nangyari na ‘yan noong panahon nila Lorenzo Tañada… panahon din ni Senator Salonga.”
Pagkukuwento ni Sotto, may pagkakataon daw noong Senate President pa ang pumanaw at dating senador na si Juan Ponce Enrile na pinilit nilang ipatawag at pabotohin si dating senador Bong Revilla dahil kailangan nila ang boto nito.
“Sa amin, may instance noong Senate President si Manong Johnny [at] Majority Leader ako. Kailangan namin ng thirteen (13) na boto. Umalis si Bong Revilla—si Bong Revilla ang tanda ko at saka isa pa, e,” pagbabahagi niya.
Patuloy niya, “Tinatawagan namin, hindi ma-contact hanggang sa sinabihan namin na… ‘habulin n’yo. ‘Pag ayaw bumalik, sabi ko, arestuhin n’yo, dahil n’yo dito.’”
“Bumalik naman. Bumalik naman para bumoto pero mayroong isang instance na puwedeng mangyari,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Sey ni Sen. Win: Cellphone ni Sen. Bato, cannot be reached!
MAKI-BALITA: 'Nakakapirma pa rin eh!' Sen. Imee, ipinagtanggol pagiging 'MIA' ni Sen. Bato
Mc Vincent Mirabuna/Balita