Ipinaliwanag ng isang 51-anyos na lalaki kung bakit siya naging deboto ng Poong Hesus Nazareno kaya taon-taon siyang nakikipaggitgitan sa Traslacion para masilayan ang santo.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Edward Namit, sampung taon na raw siyang deboto ng Poong Nazareno dahil sa mga nalampasan niyang pagsubok, sa paniniwala niyang ginabayan siya nito.
Una na raw diyan ang pagkakasagasa sa kaniya ng truck, at pagkatapos naman ay mga natamong saksak sa isang massacre bandang 2013 subalit naka-survive naman daw siya.
Nang panahong masaksak daw siya, nagdasal daw siya kay "Bro" na pagalingin siya, kapalit ng pagpapagawa niya rito ng malaking karosa.
Naikuwento pa ni Edward na sinabi raw sa kaniya ng doktor noon na kaunti na lang, sa puso na niya sana tatama ang saksak, kaya malaking himala ang nangyari sa kaniya.
Sa dami raw ng saksak sa kaniya at halos walang bag ng dugo ang naubos sa kaniya, isang himala raw na gumaling pa siya at hindi kinailangang salinan ng dugo.
"Iyon pa lang malaking himala mo na 'yon," aniya.
Sumunod naman daw, na-stroke siya bandang 2018 subalit gumaling naman din.
Kaya sabi niya, "Laban lang... nanginginig na nga tuhod ko eh, pero okay lang, nang dahil sa Kaniya, kaya ko. Kaya nga sabi ng iba, 'Nakakapunta ka pa ng Quiapo? Oo naman!' sabi kong gano'n 'Lakas ng loob mo,' Oo naman, may kasama ako, may kakampi ako. Hindi ako pinababayaan," aniya pa.
Biyernes, Enero 9, idaraos ang taunang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa ilang mga lugar sa Maynila.