January 25, 2026

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: Tips para sa kaligtasan kapag pupunta sa matataong lugar

ALAMIN: Tips para sa kaligtasan kapag pupunta sa matataong lugar
Photo courtesy: MB

Mula sa araw-araw na commute, pamamalengke, o shopping, hanggang sa pagdalo sa mga pagganap tulad ng concerts, mga kilos-protesta, at kapistahan, hindi maiiwasan na makihalubilo at makisiksik sa maraming tao.

Dahil isa ang matataong lugar sa madalas na pinangyayarihan ng mga sakuna at masasamang loob, narito ang tips para sa mga dapat gawin kapag pupunta sa matatao na lugar:  

1. Maging mapagmatyag sa paligid 

Ayon sa International SOS, mahalagang maging pamilyar sa emergency o fire exits ng lugar na pupuntahan sa oras ng sakuna para agad na makalikas sa oras ng tensyon o sakuna. 

Lifehacks

ALAMIN: Mga dapat gawin kapag nakasubo o nakalunok ng paputok

Inaabiso rin ang pagiging kalmado para malinaw na makapag-isip sa mga maaaring gawin. 

2. I-full charge ang gadgets 

Tiyakin na naka-full charge ang gadgets tulad ng mobile phone at powerbank para mapanatiling bukas ang komunikasyon sa mga awtoridad, kaanak, o mga kaibigan, na mahihingiin ng tulong sa oras ng insidente o sakuna. 

3. Sumunod sa mga lokal na awtoridad

Ayon rin sa International SOS, sumunod sa mga batas at direktiba ng lokal na awtoridad para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng sarili at iba pang kasama na nakikisiksik rin sa dami ng tao. 

4. Magkaroon ng meeting point

Ayon sa National Protective Services, kung may grupong kasama sa mga gawain at pagdalo, mahalaga na magkaroon ng “Plan B” kung saan napag-usapan na ang lugar na pagkikitaan kung may maganap na sakuna. 

Sa mga may kasamang bata, maaari din na maglagay ng ID sa bulsa o bag nito, o kaya’y papel na nakasulat ang emergency details ng magulang, para mabasa ng awtoridad. 

5. Agad na umiwas sa mga sitwasyong mataas ang tensyon

Partikular sa mga kilos-protesta at pista, inaabiso rin ng National Protective Services na umiwas kung mataas na ang tensyon sa pagtitipon, dahil ito ang kadalasang nag-uudyok ng karambola at gulo. 

Sa pag-alis, iwasan nang maki-usyoso o tumambay para mabilis na makapunta sa ligtas na lugar at makahingi ng saklolo sa mga awtoridad. 

6. I-alerto ang mga awtoridad sa mga kaduda-dudang indibidwal o pangyayari

Dahil madalas napaliligiran ng iba’t ibang klase ng indibidwal o grupo ang mga siksikang lugar, iwasan maging kampante, at agad na magtungo sa mga awtoridad kung makarinig o makakita ng mga gawain na maaaring makapagdulot ng gulo. 

Mahalaga ring tandaan na hangga’t maaari, gawin ito nang maayos para hindi magdulot ng panic o pagkakagulo sa mga tao. 

7. Ingatan ang mga mahahalagang gamit 

Sa pagpunta sa matataong lugar, ugaliin na “essentials” lamang ang dalhin tulad ng ID, cash, bote ng tubig, gamot,  at phone, at ilagay ito sa isang matibay na bag, na nakadikit lamang sa katawan, sa buong lakad. 

8. Maging hydrated

Magdala ng bote ng tubig para maiwasan ang pagkauhaw sa pakikihalubilo, at para maiwasan ang pagkahilo mula sa posibleng kakulangan ng hangin sa lugar. 

9. Pumili ng mga damit na may matingkad na kulay

Ayon sa Florida Sheriffs Association, nakatutulong din ang pagpili ng mga damit na may matingkad o maliliwanag na kulay para madaling makita ng mga kasama. 

Partikular din ito sa mga batang kasama, na posibleng maipit sa dami ng mga tao. 

Sean Antonio/BALITA