Tiniyak ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang tibay at kaligtasan ng lahat ng tulay na dadaanan ng prusisyon ng Traslacion sa Biyernes, Enero 9, 2026, matapos umanong masuri at mabigyan ng sertipikasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inihayag ito ni Domagoso nitong Miyerkules, Enero 7, bilang bahagi ng paghahanda ng lungsod para sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno 2026.
“The other day, I asked the City Engineering Office to update me regarding our request to certify bridges in the City of Manila where our procession or Traslacion will pass through. We got already the certification (from DPWH),” ani Domagoso.
Batay sa sertipikasyong inilabas ng DPWH–National Capital Region, isinailalim sa pagsusuri ang Quezon Bridge, Carlos Palanca Bridge, Ayala Bridge, at Arlegui Bridge 1 gamit ang 2025 Road and Bridge Inventory and Assessment ng rehiyon.
Ayon sa DPWH, ang apat na tulay ay na-rate na nasa “fair” condition matapos ang inspeksiyon ng kanilang mga inhinyero.
Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang naturang assessment dahil sa inaasahang dami ng debotong lalahok sa taunang prusisyon.
“This is a very important matter to us as a city government, that we are being assured by the national government na ligtas tawirin ang ating mga tulay,” ani Domagoso.
Nakasaad din sa sertipikasyon ng DPWH na ang mga rehas at barricade sa mga tulay ay maayos na nakakabit, ligtas, at nasa maayos na kundisyon, at walang nakitang sagabal sa bridge decks at pedestrian pathways na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko.
Sinabi rin ni Domagoso na may ilang tulay sa Maynila na kasalukuyang isinasailalim sa pagkukumpuni sa ilalim ng pangangasiwa ng DPWH, ngunit nananatiling katanggap-tanggap ang kabuuang kondisyon ng mga ito para sa isasagawang Traslacion.
Sa kaso ng Quezon Bridge, sinabi ng DPWH na nagpapatuloy ang rehabilitation works, kabilang ang paglalagay ng temporary shoring upang masuportahan ang istruktura habang isinasagawa ang mga pagkukumpuni.
Ayon sa ahensya, ang mga ito ay maayos na pinamamahalaan at mino-monitor alinsunod sa umiiral na safety at engineering standards.
Dagdag pa ng DPWH, wala itong “no objection” sa paggamit ng apat na tulay bilang bahagi ng ruta ng Traslacion, sa kondisyon na walang pahihintulutang dumaan na mga sasakyan sa buong kahabaan ng mga ito habang isinasagawa ang prusisyon.