January 25, 2026

Home BALITA

Makulimlim na panahon, dapat asahan sa araw ng Traslacion—PAGASA

Makulimlim na panahon, dapat asahan sa araw ng Traslacion—PAGASA

Inaasahang magiging makulimlim ang panahon at may mga panaka-nakang pag-ulan sa gaganaping Traslacion sa Biyernes, Enero 9, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). 

Gayunman, sinabi ng ahensya na wala silang mino-monitor na low pressure area na maaaring magdulot ng masamang panahon.

Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, pinapayuhan ang mga debotong lalahok sa Traslacion na maghanda laban sa ulan. 

“Dito naman po sa Metro Manila, we're recommending po 'yong ating mga kababayan na dadalo na magbaon ng payong dahil paminsan-minsan magkakaroon ng mga pag-ulan,” ani Estareja sa programang Balitanghali nitong Miyerkules, Enero 7.

2 dambuhalang sawa, nahuli sa kisame ng magkaibang bahay, 1 sa kanila, nakalunok ng tuta!

Dagdag pa niya, “Generally, makulim ang panahon, lalo na po sa umaga hanggang sa tanghali at nandiyan pa rin 'yung medyo malamig na madaling araw,” kaya inaasahan ang mas malamig na simoy ng hangin sa mga susunod na araw.

Sa kasalukuyan, wala umanong bagyo o low pressure area na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ang taunang Traslacion ay ginugunita bilang paglipat ng imahe ng Poong Hesus Nazareno mula Intramuros patungo sa kasalukuyan nitong tahanan sa Quiapo Church.

 Nauna nang sinabi ng National Capital Regional Police Office na target nilang paikliin ang oras ng prusisyon sa humigit-kumulang 10 hanggang 12 oras, mas maiksi kumpara noong nakaraang taon na umabot ng mahigit 20 oras.

Pinaalalahanan din ang mga deboto na sumunod sa mga alituntunin ng Quiapo Church at ng mga awtoridad upang matiyak ang ligtas at maayos na Traslacion.

Samantala, inaasahang bababa pa ang temperatura sa Metro Manila sa humigit-kumulang 18°C hanggang 20°C ngayong Enero. Nakapagtala ang PAGASA ng 24.4°C sa Metro Manila nitong Miyerkules, habang ang pinakamalamig na naitala ngayong 2026 ay 20.7°C.

Sa Benguet naman, posibleng bumaba ang temperatura sa 8°C hanggang 10°C.

Ayon pa kay Estareja, “Yung Northeast Monsoon po natin inaasahang magpe-prevail pa po hanggang sa unang bahagi po ng Marso,” at idinagdag na “Pero yung lamig talaga na ating nararamdaman sa ngayon, posible magpersist po hanggang sa unang bahagi ng Pebrero.”