Ipinagmalaki ng Malacañang na sa administrasyon lang umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. naganap ang pagbabalik ng “kickbacks” ng mga korap, sa likod ng malawakang katiwalian na lumalaganap sa bansa.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Enero 6, nagbigay rin ng paglilinaw si Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro kaugnay sa pangako ni PBBM hinggil sa mga korap na makukulong daw bago pa man sumapit ang Kapaskuhan.
MAKI-BALITA: 'Wala silang Merry Christmas!' Mga sangkot sa flood control scam, tapos na maliligayang araw—PBBM-Balita
“Ang binanggit po ng Pangulo doon sa kaniyang report ay sa mga taong nabanggit niya, marami ang hindi magiging merry ang Christmas,” panimula ni Castro.
Saad pa niya, “Wala naman siyang binanggit kung sinong pangalan pero tandaan natin, sa higit na apat na buwan, may mga nakulong, may mga warrants of arrest na naisyu, may mga nagtago, mayroong nakikipag-usap at nagse-settle, restitution.”
“Isinasauli ang karamihan sa kanilang mga kickbacks na hindi naganap, never nangyari sa anumang administrasyon—sa administrasyon lang po ni Pangulong Marcos [Jr.] nangyayari ang mga ito," giit pa niya.
Sabi pa ng press officer, hindi pa naman daw tapos ang administrasyong Marcos Jr., kung kaya’t marami pa raw mangyayari at magaganap hinggil sa mga imbestigasyong ito, partikular na ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
“Pagsabi po niya na mayroong mga taong hindi magiging merry ang Christmas, ‘yong mga nakulong po definitely, hindi naging merry ang Christmas. Pero hindi pa naman po natatapos ito. Kung mayroon pang inaabangan na mga tao, mayroon din pong inaabangan ang Pangulo. Hinihintay din po ng Pangulo ang mabilisang resolusyon na magmumula sa Ombudsman at sa [Department of Justice] DOJ,” anang press officer.
“Kung lahat ng mga maaaring sangkot ay matibay ang ebidensya, at ‘yon naman ang gusto ng Pangulo, due process ay inoobserba, hindi pa po natatapos ang termino ng Pangulo. Marami pa po ang mangyayari at magaganap,” pagtatapos niya.
Kaugnay dito, matatandaang kamakailan ay nagsauli sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara, at ang kontratistang si Sally Santos, may-ari ng SYMS Construction Inc., ng kanilang kickbacks sa Department of Justice (DOJ), hinggil sa kanilang pagkakasangkot sa flood control scam at anomalies.
Vincent Gutierrez/BALITA