Prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapalawig ng abot-kaya at dekalidad na healthcare, sa inilaang ₱ 448.125 bilyon sa sektor ng healthcare, sa national budget ngayong 2026.
“The 2026 GAA also has the largest health sector budget ever in the history of our country, ₱ 448.125 billion, supporting our goal of promoting access to Universal Healthcare,” saad ni PBBM sa signing ng General Appropriations Act (GAA) para sa national budget 2026, nitong Lunes, Enero 5.
Layon ng malaking alokasyong ito na suportahan ang adhikain ng administrasyong Marcos Jr. na makapagbigay ng abot-kaya at dekalidad na pangangalaga sa kalusugan ng bawat Pinoy.
Bukod pa rito, ₱ 1 bilyon naman daw ang inilaan sa Universal Healthcare Fund ng Department of Health (DOH) para sa Zero-Balance Billing (ZBB) program na sumasagot sa basic in-patient accommodation sa mga pampublikong ospital sa bansa.
Kasama rin sa alokasyon ang resources para sa disease surveillance, rapid response mechanisms, sustainable health financing, at pagdagdag ng mga adisyunal na doktor at nurse sa buong bansa.
“This budget further strengthens the PhilHealth with nearly ₱ 129.8 billion, including the ₱ 60 billion, directed to be restored, aligned with the decision of the Supreme Court,” saad pa ni PBBM.
Layon din ng pondong ito na suportahan ang preventive healthcare at mas pagpapalawig ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) benefit packages para mas mapababa ang “out of pocket expenses” ng bawat pamilyang Pinoy.
Sa kaugnay na ulat, ipinangako ng Pangulo sa mga Pinoy na mas magiging responsable at masinop ang kaniyang administrasyon sa paghawak ng 2026 national budget para matuldukan na rin ang mga katiwalian dito.
MAKI-BALITA: ‘Mas magiging responsable kami!’ PBBM, tiniyak na tutuldukan katiwalian sa 2026 national budget
Isa sa mga hakbang ay ang pagpapatanggal ng pamamahagi ng mga ayuda sa mga politiko, cash man ito o non-cash para matiyak na direktang mapupunta ang tulong sa mga mamamayan.
“Politicians shall be barred from the distribution of any financial aid and we shall ensure that the support reaches the intended beneficiaries without patronage. Walang bawas, walang kulang,” ani PBBM.
MAKI-BALITA: 'Walang bawas, walang kulang!' Mga politiko, ekis nang mahawakan ang pamimigay ng ayuda—PBBM
Sean Antonio/BALITA