January 08, 2026

Home BALITA National

Paldo mga solon? Rep. Tiangco, isiniwalat umano'y bonus ng mga kongresista 'pag holiday break

Paldo mga solon? Rep. Tiangco, isiniwalat umano'y bonus ng mga kongresista 'pag holiday break
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Ibinahagi sa publiko ni Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco na matagal na raw nakakatanggap ng bonus ang mga kongresista tuwing sasapit ang kanilang break tuwing Undas, Pasko, at Mahal na Araw. 

Ayon sa naging panayam ng Storycon ng One News PH Tiangco noong Biyernes, Enero 2, sinabi niyang hindi niya raw alam kung “Christmas bonus” ang tawag sa isiniwalat sa publiko ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste pero inamin niyang nakakatanggap raw silang mga mambabatas ng bonus noon pa mang magsimula siyang maging congressman. 

“‘Yong Christmas bonus hindi ko alam kung tinatawag na ‘Christmas bonus’ ‘yan pero, again, ever since na maging congressman ako, every time na magbe-break…” saad niya. 

Inisa-isa rin ni Tiangco ang panahon na nagbe-break ang mga mambabatas kung saan sila nakakatanggap ng nasabing niyang bonus. 

National

11M bata, target mabakunahan sa Ligtas-Tigdas Vaccination ngayong Enero

“‘Yong first break namin, kung magsimula tayo ng SONA… bago mag-Undas dapat tapos na kami mag-budget. So may break kami doon. Meron ‘yan,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Pagkatapos namin mag-break, magbe-break ulit kami pang-Christmas, meron ‘yan. Pagdating ng Christmas, babalik kami. Easter break [o] holy week, meron ulit ‘yan.”

Paglilinaw ni Tiangco, hindi raw nasimulan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang naging kontrobersyal na “bonus” ng mga kongresista dahil nagyayari na raw ito noong pa sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Ninoy” Aquino III, dating Pangulong Rodrigo Duterte hanggang sa kasalukuyan. 

“Sasabihin ko ulit, hindi ‘yan nasimulan ngayon administrasyon na ito. Ever since naging congressman ako meron nang ganiyan,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Tiangco, hindi raw niya alam kung kasama siya sa nabigyan ng dalawang milyong piso nitong nagdaang Pasko dahil wala pa siyang natatanggap. 

“Next question kung binibigay ba sa lahat o hindi at natanggap ko na ‘yong 2 million [pesos] ko this Christmas o hindi? ‘Yong akin, hindi ko alam kung kasama ako dahil wala naman akong natanggap,” saad niya. 

“Is it given to anyone? I would think so. It should be,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nagbigay ng pasabog si Leviste sa publiko kaugnay sa  ₱2 milyong halaga na natatanggap ng mga solon bilang Christmas bonus noong Disyembre 29, 2025. 

“Baka ‘yong iba, mas mataas, baka ‘yong iba for whatever reason, hindi binibigyan. Hindi ko po alam kasi hindi ko po kinukuha ‘yong akin. Pero mabuti po na malaman ng publiko [na] may ganitong klaseng mga bonus na nagkataon ay halos kasabay ng approval ng budget,” saad niya.

MAKI-BALITA: May binigay pero 'di bonus? Rep. Terry Ridon, pinabulaanang naambunan ng ₱2M bonus mga congressman

MAKI-BALITA: Hirit ni Barzaga, 'di lahat ng solon may ₱2M-bonus: 'Ako suspended, si Acop nasa impyerno!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita