Pinabulaanan ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang isiniwalat ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda na nakatanggap umano ng ₱2 milyong halaga ang bawat congressman bilang bonus sa Pasko.
Ayon sa naging panayam ng DZMM Teleradyo kay Ridon nitong Biyernes, Enero 2, 2026 bumuwelta siya kay Leviste.
“Talagang mayroon ng pattern ng mga kasinungalingan, falsities, inaccuracies si Congressman Leviste at isa na naman po ito sa halimbawa no’n,” pagsisimula niya.
Ani Ridon, may natanggap daw na halaga ang opisina ng mga kongresista upang gamitin sa mga aktibidad at programa ng mga ito.
“Una sa lahat, hindi totoong may ₱2 million Christmas bonus. Ibig sabihin, may mga binigay pong mga kaperahan para sa opisina ng mga kongresista. Para sa aktibidad, mga programa, at gawin na ginagawa ng mga kongresista,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “Hindi ‘yan para perahin at gamitin… dahil ang bonus po ay ‘yong 13th month at 14th month pay na ibinibigay sa lahat ng kawani ng gobyerno.”
Pagpapatuloy ni Riddon, nangyayari na raw noon pa na nakatatanggap ang mga kongresista para sa kanilang mga programa.
“Ito pong ₱2 million na sinasabi niyang Christmas bonus, una, hindi po ito Christmas bonus. Pangalawa, hindi po ito ngayon lang nangyari,” giit niya.
Matatandaang nagbigay ng pasbog si Leviste sa publiko kaugnay sa ₱2 milyong halaga na natatanggap ng mga solon bilang Christmas bonus noong Disyembre 29, 2025.
“Baka ‘yong iba, mas mataas, baka ‘yong iba for whatever reason, hindi binibigyan. Hindi ko po alam kasi hindi ko po kinukuha ‘yong akin. Pero mabuti po na malaman ng publiko [na] may ganitong klaseng mga bonus na nagkataon ay halos kasabay ng approval ng budget,” saad niya.
Bagay na pinalagan naman ng mga kapuwa mambabatas ‘gaya ni Ridon at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila De Lima ang mga alegasyon ni Leviste.
MAKI-BALITA: Hirit ni Barzaga, 'di lahat ng solon may ₱2M-bonus: 'Ako suspended, si Acop nasa impyerno!'
MAKI-BALITA: 'I vehemently deny that!' Rep. Leviste, tinangging sapilitang kinuha 'Cabral Files'
Mc Vincent Mirabuna/Balita