Bumuwelta si Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro sa mga nagsasabing dapat umano siyang ma-disbar bilang abogado dahil sa naging pahayag niyang kamukha umano ni Vice President Sara Duterte ang manika sa American horror film na si “Chucky” kung galit.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kamukha ng manikang si ‘Chucky’ 'pag galit!—Atty. Claire Castro
Ayon sa isinapublikong video ni Castro sa kaniyang YouTube account kaugnay sa naging panayam sa kaniya ng News & Views noong Martes, Disyembre 30, 2025, nagawa muna niyang ipaliwanag ang dahilan kung bakit niya nasabing kamukha ni VP Sara ang naturang karakter sa pelikulang “Child’s Play.”
“The reason why [kaya] nasabi natin ‘yan at that time na tinanong siya na ‘mababati n’yo ba ang Pangulo sa Pasko?’ tapos sumimangot siya agad,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Tapos sinabi niya, ‘bakit, mababago ba ‘yong ugali niya [ng Pangulo] kung babatiin ko siya sa pasko?’ So ‘yong nagsasabi na ako’y idi-disbar, tingnan muna nila [kung] saan nanggaling—saan nagmula kung bakit nasabi natin ‘yon.”
Ani Castro, dapat tingnan muna daw ng mga nagsasabing i-disbar siya ang mga naging pahayag ni VP Sara laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa First Lady, at kay dating House Speaker Martin Romualdez.
“At tingnan din nila muna ‘yong sinasabi ng VP, na lawyer din, against the President na mas malala,” aniya.
Hindi naman sinang-ayunan ni Castro ang tanong sa kaniya tungkol sa kung dapat ba raw ihiwalay ni VP Sara ‘yong ugali niya bilang Bise Presidente sa personal nitong mga sinasabi.
“Hindi. E di hiwalay rin ‘yong personality ko as vlogger, [as] Usec., and as a lawyer.”
“‘Yong mga kataga na ‘yon na may kilala siyang assassin at nagbanta sa buhay ng Pangulo, ng First Lady, at ng dating speaker of the House, ‘yan ang mga grounds na puwede mong i-disbar ang isang lawyer,” diin niya.
“Kung ikukumpara sa mga words na ginagamit. ‘Yong mga nagsasabi ba na ipapa-disbar ako, naaral ba nila lahat ng sinabi ng Bise Presidente against the government,” paliwanag pa niya.
Handa umano si Castro na harapin ang mga nagsasabing dapat umano siyang ma-disbar dahil ipinaglalaban din niya ang kalayaan sa pagpapahayag.
“Oo naman. Freedom of expression, ipinaglalaban,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
MAKI-BALITA: VP Sara, kamukha ng manikang si ‘Chucky’ 'pag galit!—Atty. Claire Castro
Mc Vincent Mirabuna/Balita