January 04, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Mga salitang sumabog, pumatok, umusbong sa bibig ng bayan nitong 2025!

BALITAnaw: Mga salitang sumabog, pumatok, umusbong sa bibig ng bayan nitong 2025!
Photo courtesy: Freepik

Ang wika ay buhay at patuloy na nagbabago. Sa pag-inog ng makabagong panahon, na pinanday ng teknolohiya, nakikisabay ang mga salita sa pagbabagong ito. Kagaya na lamang ng ilang Gen Z slang sa kasalukuyang panahon—patunay ng kakayahan ng wikang Filipino na umangkop at magbago kasabay ng pag-usad ng teknolohiya, social media, at pabago-bagong panahon. Para sa mga eksperto, hindi ito senyales ng pagkasira ng wika kundi ng pagiging buhay nito.

Dahil dito, narito ang ilan sa mga salitang pumatok sa lahat ngayong 2025, lalo na sa social media.

1. Trentahin

Isang salitang hango sa “trenta” o tatlumpu (30) na ginagamit para ilarawan ang biglaang pagtrato o pagtingin sa isang bagay na parang pang-mature o pang-adult na responsibilidad; madalas may halong biro. Sa makabagong Gen Z slang, ang salitang “trentahin” ay hindi lamang tumutukoy sa aktuwal na edad na trenta.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang malagim na ‘Rizal Day Bombings’ sa Metro Manila

Sa halip, ginagamit ito upang ilarawan ang mga taong mas bata pa—karaniwang Gen Z o young Millennials—ngunit may asal, lifestyle, o pananaw na inaakalang pang-nasa 30s na. Madalas itong binibigkas sa pabirong paraan, minsan may halong pang-aasar, ngunit kadalasan ay may kasamang paghanga o pagkilala sa pagiging mas mature ng isang tao.

Karaniwang tinatawag na “trentahin” ang mga inuuna ang pahinga kaysa gimmick, mas pinipiling manatili sa bahay kaysa makipagsabayan sa party culture, at mas pinahahalagahan ang katahimikan. Sila rin ang mga praktikal mag-isip, laging may usapan tungkol sa ipon, trabaho, seguridad, at pangmatagalang plano sa buhay. Maaga silang natutulog, maagang nagigising, at madaling mainis sa sobrang ingay o kalat sa paligid. Madalas din silang inuugnay sa mga tinatawag na “adult habits,” gaya ng pagkahilig sa menthol balm, tsaa, bitamina, at comfort routines na mas inuuna ang kalusugan at kapayapaan ng isip.

Sa ganitong konteksto, ang pagiging “trentahin” ay nagiging simbolo ng maagang pagyakap sa adulthood, patunay na hindi hadlang ang edad upang maging responsable at mulat sa realidad ng mundo.

2. Flood Control

Bukod sa literal na kahulugan, ang flood control anomalies sa Pilipinas ay tumutukoy sa mga iregularidad, katiwalian, at maling paggamit ng pondo na nakalaan sana para sa mga proyektong panlaban sa baha; mga proyektong kritikal lalo na sa isang bansang madalas tamaan ng bagyo at matinding pag-ulan.

Ngayong taon, umusbong ang iba't ibang alegasyon at imbestigasyon na nagsasabing bilyon-bilyong piso ang inilaan sa flood control ngunit hindi ramdam sa mga komunidad ang resulta, na may kinalaman sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kaugnay na Balita: PBBM, walang nakitang hollow block, semento sa ‘fully paid’ flood control project sa Bulacan

3. Ghost projects

Ito ang mga proyektong may nakalaang pondo at kompletong papeles ngunit walang aktuwal na konstruksyon sa lugar, o kaya’y hindi kailanman natapos. Sa ilang kaso, sinasabing “tapos na” ang proyekto sa ulat kahit wala namang konkretong ebidensiya sa mismong komunidad.

Kaugnay na Balita: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!

4. Paldo

Tumutukoy ito sa maraming perang nakuha o biglang yaman. Ginagamit kapag malaki ang kita o “jackpot” ang isang tao.

Kaugnay na Balita: Mas lumobo pa! Pilipinas, paldong-paldo sa ₱16.75 trillion na utang nitong Abril 2025

5. Archived

Mula sa social media feature, ginamit din itong termino sa politika matapos ang pag-archive ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa Senado—naging simbolo ng “nakabinbin pero hindi tapos.”

Kaugnay na Balita: Sino-sino 19 senators na aprub sa pag-archive ng impeachment ni VP Sara?

6. Sobrang Latina

Isang playful na termino para ilarawan ang taong sobrang expressive, confident, at may strong personality; madalas ginagamit sa humorous o empowering na konteksto. Pinasikat ang salita ng social media personality na si Sesable.

7. Monyeka

Hango sa salitang “manika,” ginagamit para ilarawan ang isang taong mukhang cute, well-put-together, o parang doll-like ang dating.

8. Mowm

Palayaw na ibinigay ng fans kay Kapamilya Soul Diva Klarisse De Guzman sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition na kalauna’y naging viral at ginamit na rin bilang endearment term online.

9. Soft Launch

Ginagamit sa usaping pag-ibig kung saan hindi hayagang ipinapakita ang relasyon. Karaniwang makikita sa social media bilang paraan para mapanatiling pribado ang love life at makaiwas sa “public drama.”

10. Hard Launch

Kabaligtaran ng soft launch. Dito ay lantaran nang ipinapakilala ang romantic partner—klaro sa lahat na opisyal na ang relasyon.

11. Talking Stage / Phase

Ito ang yugto ng “getting to know” na may romantic potential ngunit wala pang malinaw na label o commitment.

15. Situationship

Tinatawag ding “no-label phase,” kung saan parang magkasintahan na pero walang malinaw na estado—isang sitwasyong madalas magdulot ng kalituhan.

16. Dump Account

Bukod sa main account, ito ang pribado at mas personal na social media account kung saan malayang nagpo-post ng unfiltered thoughts at litrato. Para sa Gen Z, ito ang kanilang digital diary.

17. Estetik

Hango sa “aesthetic,” ginagamit para ilarawan ang isang bagay o taong visually pleasing o may dating sa paningin.

18. Dogshow

Isang pabirong termino na nangangahulugang pagtawanan o lokohin ang isang kaibigan. Pinauso ito ng content creator na Sassa Gurl at naging bahagi na ng online banter.

19. Tito / Tita

Hindi na lang pantawag sa kamag-anak. Para sa Gen Z, ginagamit ito sa kapwa kabataan o Millennials na may “old soul” vibes—mahilig sa menthol balm, maagang matulog, o iritable sa ingay.

20. Shot Puno

Katumbas ng “bottoms up.” Madalas marinig sa inuman—mapa-masaya man o malungkot ang okasyon.

21. Rage bait

Ayon sa diksyunaryong inilathala ng prestihiyosong Oxford University Press (OUP), ang “rage bait” ay tumutukoy sa “nilalamang online na sadyang dinisenyo upang magdulot ng galit o matinding pagkabahala sa pamamagitan ng pagiging nakakainis, mapang-udyok, o nakasasakit, na karaniwang ipino-post upang mapataas ang trapiko o pakikipag-ugnayan sa isang partikular na web page o social media account.”

22. 6-7

Ang “6-7,” na itinanghal bilang Word of the Year 2025 ng Dictionary.com. Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, sa kasalukuyang digital culture, ito ay naging isa sa mga pinakapinag-uusapang ekspresyon sa hanay ng Gen Z at Gen Alpha—isang salitang wala mang malinaw na kahulugan ay mabilis namang naging bahagi ng kanilang kolektibong biro.

Karaniwan itong sinasamahan ng kakaibang galaw ng kamay na parang nagtutimbang o naglalaro ng hangin, na lalo pang nagbibigay-diin sa pagiging pabiro at absurd nito. Dahil walang tiyak na depinisyon, nagbabago ang kahulugan ng “6-7” batay sa sitwasyon at paraan ng paggamit.

Nagsimula ang kasikatan ng termino mula sa kantang “Doot Doot” ng American rapper na si Skrilla, kung saan nabanggit ang linyang “6-7.” Mula roon, mabilis itong kumalat sa TikTok sa pamamagitan ng memes at video edits. Kalaunan, nadugtungan pa ang popularidad nito nang maiugnay sa NBA player na si LaMelo Ball, na may taas na 6’7, dahilan upang lalo itong pumatok sa online conversations.

Sa paglipas ng panahon, ginamit na rin ang “6-7” bilang paglalarawan sa isang bagay na hindi ganoon kaganda ngunit hindi rin naman pangit; isang sakto lang o pwede na. Madalas itong ipares sa kilos ng kamay na parang nagba-balance, na nagsisilbing visual cue sa kahulugan nito.

Higit sa lahat, ang “6-7” ay hindi lamang basta slang. Isa rin itong palatandaan ng pagiging kabilang sa isang komunidad—isang tahimik na kasunduan ng kabataan na magkakaintindihan sila sa iisang biro, iisang kultura, at iisang wika na hinubog ng social media at internet humor.

23. Performative male

Tumutukoy sa mga lalaking sinasadya o binibigyang-diin ang ilang interes at kilos, lalo na yaong itinuturing na “soft,” cultured, o aesthetic, upang magmukhang kaakit-akit sa iba. Madalas itong ginagamit sa pabirong o mapanuring konteksto sa social media upang ilarawan ang asal na tila ginagawa hindi dahil sa personal na hilig, kundi para sa imahe o papuri ng publiko. In short, parang "pakitang-tao" lang.

24. Cloud chaser

Orihinal na ginamit sa komunidad ng vaping, ang terminong ito ay kalaunang ginamit ng mga social media user upang ilarawan ang mga taong aktibong naghahanap ng atensyon, papuri, o pagpapatunay online; madalas sa pamamagitan ng mga kilos na sobra-sobra, palabas, o pakitang-tao.

25. Organic encounter

Tumutukoy sa natural at hindi planadong pagkikita o pagkakakilala ng dalawang tao, lalo na sa konteksto ng pag-ibig, pagkakaibigan, o social connection: walang dating app, walang reto, at walang pilit.

Kaugnay na Balita: ‘Natural na koneksyon vs Online relasyon!’ Organic encounter, swak pa ba sa panahon ngayon?

Ginagamit ang terminong ito upang ilarawan ang mga ugnayang nagsisimula sa pang-araw-araw na sitwasyon tulad ng biglaang pag-uusap sa café, pagkikita sa trabaho o eskuwela, sabayang pag-uwi, o simpleng pagkakataong nagkrus lang ang landas. Sa mata ng Gen Z, mas genuine at mas may romantic o meaningful appeal ang ganitong uri ng pagkakakilala dahil hindi ito dinisenyo ng algorithm o online matching.

Kaugnay na Balita: ALAMIN: Mga slang na patok sa mga Gen Z ngayong 2025