Sa tuwing sasapit ang pagsalubong sa Bagong Taon, talaga namang bahagi na ng tradisyon ng maraming Pilipino ang paggamit ng firecrackers, fireworks, at iba pang pyrotechnics sa paniniwalang pantaboy ito sa malas, pampasaya ng mood, at pantawag ng suwerte.
Ayon sa Department of Health (DOH), delikado at maaaring ikamatay ang aksidenteng pagpasok ng paputok sa bibig o paglunok nito, lalo na sa mga bata. Marami pa naman sa mga paputok ngayon ang puwede nilang madampot gaya ng watusi, piccolo, at iba pa.
O kung hindi man, maaaring hindi agad nakapaghugas ng kamay at dumikit ang pulbura dito, pagkatapos ay kumain sa Media Noche, at hindi namamalayang nahalo na nga ang pulbura sa kinakain.
Mahalaga ang tamang first aid habang mabilis na dinadala ang biktima sa pagamutan.
Ano ang dapat gawin agad?
Una, huwag piliting magsuka ang biktima. Ang pagsuka ay maaaring magdulot ng karagdagang pinsala sa lalamunan at magpalala ng sitwasyon, lalo na kung may kemikal o pulbura ang nalunok.
Ikalawa, painumin ng hilaw na puti ng itlog (egg white) kung may malay at kaya pang lumunok ang biktima. Ayon sa DOH, maaaring magbigay ng: 6–8 piraso ng hilaw na puti ng itlog para sa bata, 8–12 piraso ng hilaw na puti ng itlog para sa matanda
Tandaan, ito ay pansamantalang hakbang lamang at hindi lubusang lunas, ginagawa ito upang makatulong na mabawasan ang iritasyon sa loob ng tiyan habang naghihintay ng agarang lunas.
Ikatlo at pinakamahalaga, dalhin agad ang biktima sa pinakamalapit na health center o ospital para sa wastong gamutan. Huwag mag-atubiling tumawag sa DOH Hotline 1555 o National Emergency Hotline 911 kung kailangan ng agarang tulong.
Pero paalala ng DOH: Iwasan ang pagpapaputok, lalo na sa mga bata. Gumamit na lamang ng alternatibong pampaingay at pailaw upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng malubhang pinsala o kamatayan.
Kaugnay na Balita: ALAMIN: Anong gagawin kapag 'naputukan?'