Putukan na naman!
Sa tuwing sasapit ang pagsalubong sa Bagong Taon, talaga namang bahagi na ng tradisyon ng maraming Pilipino ang paggamit ng firecrackers, fireworks, at iba pang pyrotechnics sa paniniwalang pantaboy ito sa malas, pampasaya ng mood, at pantawag ng suwerte.
Pero dahil sa mga disgrasyang dulot nito taon-taon, lagi rin namang nagpapaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang paputok at sa halip ay gumamit ng mga alternatibong pampaingay gaya ng torotot, busina, at iba pang ligtas na noisemakers.
Kaugnay na Balita: 'Goodbye Chismosa, Goodbye Bading kasama sa listahan ng mga ipinagbabawal na paputok
Sa kabila ng paalala, hindi pa rin maiiwasan ang mga aksidenteng dulot ng paputok; mula sa paso, sugat, pinsala sa mata, hanggang sa pagkalason at pagkalanghap ng mapanganib na kemikal. Dahil dito, mahalagang may sapat na kaalaman ang bawat isa tungkol sa tamang first aid upang maiwasan ang mas malubhang komplikasyon.
Kaugnay na Balita: Sa pagsalubong ng Bagong Taon: Bawal magpaputok, bawal magsubo ng torotot
Kapag Napaso o Nasugatan ang Balat
Ayon sa DOH, huwag balewalain ang kahit maliit na paso o sugat na dulot ng paputok.
- Hugasan agad ang sugat gamit ang sabon at malinis na tubig.
- Alisin ang kontaminadong damit at siguraduhing nalabhan ito nang maayos bago muling gamitin.
- Takpan ang sugat ng malinis at isterilisadong gasa o benda.
- Magtungo sa pinakamalapit na health facility o ospital para sa konsultasyong medikal at magpaturok ng anti-tetanus kung kinakailangan.
Kapag May Pinsala sa Mata
Ang mata ay isa sa mga pinaka-sensitibong bahagi ng katawan at maaaring magdulot ng permanenteng pinsala kung mapabayaan.
- Agad na banlawan ang apektadong mata ng malinis at maligamgam na tubig sa loob ng hindi bababa sa 15 minuto.
- Huwag kamutin, galawin, o dagdagan ang iritasyon sa mata.
- Takpan ang mata gamit ang malinis na tela o gasa.
- Dalhin kaagad ang biktima sa pinakamalapit na emergency room.
Kapag Nakalunok ng Watusi, Piccolo, o Ibang Paputok na Maliliit
Lalong mapanganib ang ganitong uri ng aksidente, lalo na sa mga bata.
- Huwag pilitin ang biktima na magsuka.
- Painumin ang bata ng anim hanggang walong piraso ng hilaw na puti ng itlog; walo hanggang labindalawang piraso naman para sa matatanda.
- Kung may kontaminasyon sa balat, hugasan ito gamit ang alkaline soap tulad ng Perla.
- Dalhin agad ang biktima sa ospital para sa agarang pagsusuri at gamutan.
Kapag Nalantad sa Kemikal o Usok ng Paputok
- Ilayo agad ang biktima sa lugar na may matapang na amoy o kontaminasyon mula sa paputok.
- Hayaan siyang makalanghap ng sariwang hangin.
- Siguraduhing komportable ang kalagayan ng biktima.
- Humingi agad ng medikal na atensiyon.
Sa panahon ng pagdiriwang, mahalagang unahin ang kaligtasan ng sarili at ng pamilya.
Kaya paalala ng DOH, huwag magpaputok. Gumamit ng mga alternatibong pampagawa ng ingay at pailaw upang masaya, ligtas, at tunay na makabuluhan ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Kaugnay na Balita: Bawal sa mga bata? Plastik na torotot, 'di ligtas isubo sa Bagong Taon
Kaugnay na Balita: 58% kaso ng mga naputukan, mga menor de edad!