Usap-usapan ngayon sa social media ang tila mapaglarong timing ng kapalaran sa buhay ng dating mag-asawang sina Carla Abellana at Tom Rodriguez matapos ang magkasabay na ganap sa kani-kanilang buhay noong Disyembre 27.
Habang masayang ikinasal muli si Carla sa kaniyang non-showbiz fiancé na si Dr. Reginald Santos, ang kaniyang ex-husband namang si Tom ay nagwagi bilang Best Supporting Actor para sa pelikulang "UnMarry," na tumanggap din ng 2nd Best Picture sa Gabi ng Parangal ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF).
Dahil dito, hindi napigilan ng netizens ang magbiro: “Si Carla, married na. Si Tom, UnMarry pa rin!”—patungkol sa ironic na pamagat ng pelikulang nagpanalo sa aktor.
KASAL NI CARLA
Sa isang emosyonal na mensahe, sinabi ni Carla na ang kaniyang bagong asawa ang kaniyang “first and last” love. Ibinahagi rin niya ang isang linyang umantig sa marami: “I once read that a great love story is when two people let go of one another, only to find their way back to each other.”
Dagdag pa niya, “Thank you, Lord, most especially for giving me now the clearest answer to all my painful whys.”
Sa wedding vows nila, binalikan naman ni Dr. Reginald ang unang yugto ng kanilang pagmamahalan noong kabataan pa sila.
“We were young back then, we fell in love, and then life had interim plans for us,” ani niya. “We reconnected at the perfect time. We are now the best versions of ourselves.”
Matatandaang kinumpirma ni Carla ang kaniyang engagement noong unang bahagi ng Disyembre at humiling noon ng privacy hinggil sa detalye ng kasal.
Kaugnay na Balita: Carla Abellana, ikinasal na sa jowang doktor!
MARRIED LIFE NI TOM
Samantala, inamin naman ni Tom sa media conference ng pelikula na siya ay kasal na rin at may anak na.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend kamakailan, tumango lamang ang aktor nang tanungin kung married na siya, at tumangging magbigay ng karagdagang detalye.
Nauna na niyang ipakilala ang anak na si Korben, habang nananatiling pribado ang pagkakakilanlan ng kanyang partner.
Para kay Tom, tuluyan nang sarado ang kabanata nila ni Carla.
“I wish them well. I’m glad to know everyone is moving on. We all deserve it,” pahayag niya.
Kaugnay na Balita: 'Di ko naman sila tinatago!' Tom Rodriguez, kinasal na?
Nagpakasal sina Carla at Tom noong 2021 ngunit naghiwalay noong 2022.