January 01, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang ‘Unkabogable’ na karera ni Vice Ganda sa MMFF

BALITAnaw: Ang ‘Unkabogable’ na karera ni Vice Ganda sa MMFF
Photo courtesy: MMFF/FB


Isa na marahil ang komedyante at host na si Vice Ganda sa mga pinakasikat na personalidad sa larangan ng showbiz sa panahon ngayon.

Mula sa pagho-host ng mga shows, sa pagpapatawa, at maging sa pag-arte, ay tila nagpapatuloy na lumikha ng marka ang tinaguriang “Unkabogable Superstar.”

Sa ginanap na Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal noong Sabado, Disyembre 27, pinatunayan na naman ni Vice Ganda ang kaniyang husay matapos makamit ang kauna-unahan niyang “MMFF Best Actor” award.

Nakalaban niya sa naturang parangal ang mga aktor na sina Will Ashley ng “Love You So Bad,” Carlo Aquino ng “Bar Boys: After School,” Earl Amaba ng “I’mPerfect,” Piolo Pascual ng “Manila’s Finest,” at Zanjoe Marudo ng “UnMarry.”

Ngunit bago niya makuha ang prestihiyosong pagkilalang ito, ano nga ba muna ang tinakbo ng kaniyang karera sa MMFF?

Natanggap ni Vice Ganda ang una niyang nominasyon para sa MMFF Best Actor award noong siya ay gumanap sa pelikulang “Sisterakas” noong 2012, kung saan nakasama niya ang “Philippine Comedy Queen” na si Aiai delas Alas at si “Queen of All Media” na si Kris Aquino.

Hindi pinalad na manalo ang komedyante nang kilalanin bilang Best Actor si Dingdong Dantes, matapos ang kaniyang pagganap sa “One More Try,” ang pelikulang tinanghal din bilang “Best Picture” ng parehong taon.

Noong sumunod na taon, naging nominado ulit siya sa Best Actor award, matapos naman ang kaniyang pagganap sa pelikulang “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” noong 2013.

Hindi ulit nasungkit ng komedyante-host ang parangal sa taong iyon, sapagkat tinanghal ang dating aktor at ngayo’y senador na si Robin Padilla bilang MMFF Best Actor, matapos ang pagganap nito sa pelikulang “10,000 Hours.”

Matapos ang 11 taon, muling umarangkada ang pangalan ni Vice Ganda sa mga MMFF Best Actor nominees.

Noong 2024, bigo na namang masungkit ni Vice Ganda ang Best Actor award, matapos itong mapanalunan ng Kapuso actor na si Dennis Trillo sa pagganap niya sa pelikulang “Green Bones,” na tinanghal din bilang “Best Picture” ng naturang taon.

Hindi man niya napanalunan ang Best Actor award, nasungkit niya naman dito ang pagkilalang “Special Jury Citation.”

MAKI-BALITA: Vice Ganda sa kaniyang Special Jury Citation award: 'Award for what?'-Balita

Sa ikaapat niyang nominasyon, matapos ang pagganap niya sa pelikulang “Call Me Mother,” napanalunan na ni Vice Ganda ang MMFF Best Actor Award para sa taong 2025.

Sa ibinahaging acceptance speech ng MMFF 2025 Best Actor, sinabi niyang mas inaasahan pa niyang siya ay hindi mananalo.

"Mas ine-expect kong ‘di mananalo, nakikita, nagugustuhan pero hindi pinipili o pinipili pero di maaari... but tonight maaari na,” ani Vice Ganda.

Saad pa niya, “It is really 2025, it is really possible, and it is real. Queer people can be best actors. A queer person in [a] gown can be Best Actor. It's about damn time."

Liban dito, nasungkit din ng pelikula ang “Third Best Picture,” “Best Child Performer,” at “Gender Sensitivity Award.”

Tinanghal naman bilang “Best Picture” ng MMFF 2025 ang pelikulang “I’mPerfect.”

Itinuturing na “historic” ang MMFF Gabi ng Parangal ngayong taon matapos makuha ng isang openly-gay personality ang Best Actor Award, at ng isang babaeng may “down syndrome condition” ang Best Actress Award.

Vincent Gutierrez/BALITA