Nahatulan ng karagdagang mahigit 10 taon pang himas-rehas si dating Malaysian Prime Minister Najib Razak dahil sa umano’y bilyon-bilyong dolyar na halagang naipuslit nito sa money laundering.
Ayon sa mga internasyonal na ulat, nahatulan ulit si Najib noong Biyernes, Disyembre 26, sa Malaysia ng 15 taon na karadagang pagkakulong, ganoon din ng aabot sa $2.8 billion multa at pinagbabalik ng halagang $514 million.
Napatunayan umano ng hukuman ng Malaysia na guilty ang 72-anyos na si Najib sa apat na bilang ng pang-aabuso sa kapangyarihan noong nasa posisyon pa at 21 charges ng money laundering kaugnay sa aabot na $700 milyong halaga na inilagay sa personal bank accounts niya sa 1Malaysia Development Berhad (1MDB).
Bukod pa diyan, pagmamay-ari rin umano ni Najib ang state fund na 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na itinatag niya noong 2009.
Kung mabibigo umanong magbayad si Najib ng kaukulang multa at assets na kailangan niyang ibalik, maaari madagdagan pa ang bilang ng mga taong itatagal nita sa kulungan.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Najib ang mga hatol laban sa kaniya at sinabi umano niyang ang nagngangalang si Low Taek Jho ang “mastermind” ng nasabing iskandalong kinakaharap niya.
Kasalukuyan pa rin ngayong at large sa awtoridad ng Malaysia ang binanggit ni Najib na si Low.
Si Najib ay nagsilbi bilang Prime Minister sa Malaysia mula 2009 hanggang 2018 at kasalukuyan ngayong nasa loob na ng kulungan nang masintensyahang guilty sa parehong mga kaso noong 2020.
Nauna na ring hatulan ng aabot sa 12 taong pagkakulong si Najib noong 2020 dahil sa pang-aabuso sa kapangyarihan at money laundering kung saan aabot umano sa $10.3 bilyong halaga ang naipasok na noon sa kaniyang account sa SRC International na dating unit ng 1MDB.
Nagsimulang makulong sa piitan si Najib noong 2022 dahilan para siya ang kauna-unahang lider ng Malaysia na makulong dahil sa pang-aabuso sa kapangyarihan at iba pa.
Nakatakda umano sanang makalaya si Najib sa 2028 dahil sa pagkabawas ng sintensya laban sa kaniya ngunit nadagdagan pa ito ng 15 taong pagkakakulong dahil sa bagong desisyon ng kanilang Korte.
Mc Vincent Mirabuna/Balita