Tuluyan nang mamamaalam ang Chocolate Lover Inc., simula sa Sabado, Disyembre 27, 2025.
Nagbahagi ng isang video message ang may-ari ng kompanya na si Anna Carmona Lim noong Huwebes, Disyembre 25, kung saan mapapanood ang emosyunal na "good bye message" ng mga empleyado sa kanilang mga customer sa loob ng 36 na taon.
Ang mga naturang empleyado ay mga cashier, admin, manager, saleslady, repacker, delivery receiver, handyman, atbp.
Sa huli, muling nagpasalamat si Lim sa tumangkilik sa kanila.
"Maraming maraming salamat po sa inyong lahat," aniya.
Noong Nobyembre nang ianunsyo ni Lim ang pagsasara ng negosyo at ang dahilan kung bakit.
Aniya, ayaw na raw ito manahin ng kaniyang mga anak.
Kilala ang Chocolate Lover Inc. dahil sa mala-castle na building nito, na nagsu-supply ng mga baking supplies mula pa noong 1989.